MANILA, Philippines – Magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan ang Shear Line sa Timog Luzon at Visayas, habang mararanasan ang epekto ng Amihan sa natitirang bahagi ng Luzon at easterlies sa ilang bahagi ng Mindanao sa Huwebes, ayon sa PAGASA.
Makakaranas ng maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Visayas, MIMAROPA, Bicol, Caraga, Laguna, Rizal, at Quezon, na may posibilidad ng flash floods o landslide dahil sa katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.
Sa Cagayan Valley, Cordillera, at Aurora, magdadala ang Amihan ng pag-ulan na maaaring magdulot ng baha o landslide. Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pag-ambon ang mararanasan sa Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon, ngunit walang inaasahang malaking epekto.
Sa nalalabing bahagi ng Mindanao, may tsansa ng pulo-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog, na maaaring magdulot ng pagbaha o landslide.
Malakas ang hangin at maalon ang dagat sa hilaga at silangang Luzon, habang katamtaman hanggang malakas na hangin ang mararanasan sa natitirang bahagi ng Luzon, silangang Visayas, at Mindanao.
Sa natitirang bahagi ng bansa, magiging mahina hanggang katamtaman ang hangin, na may bahagyang hanggang katamtamang pag-alon sa karagatan. RNT