Home METRO Kuya arestado sa reklamong paggahasa sa 16-anyos na kapatid

Kuya arestado sa reklamong paggahasa sa 16-anyos na kapatid

MAYNILA – Arestado ang isang 22-anyos na lalaki sa Parañaque City matapos akusahan ng panggagahasa at pang-aabuso sa kanyang nakababatang kapatid.

Dinakip ang suspek sa kanyang bahay sa San Martin De Porres noong Lunes ng hapon.

Ayon kay PLt. Michael Guanzon ng Parañaque City Police Station, mismong kapatid ng akusado ang naging biktima, na nasa 16 o 17 taong gulang.

“Nalalasing daw siya at magkatabi lang sila ng tinutulugan,” pahayag ni Guanzon.

Napag-alamang dalawang beses nangyari ang panggagahasa simula pa noong Pebrero 2024, ayon sa pulisya.

Nang magsumbong ang biktima sa kanyang ina, sinamahan sila ng isang kapitbahay upang iulat ang insidente sa mga awtoridad.

Mariing itinanggi ng suspek ang mga akusasyon, ngunit ngayon ay nakakulong na sa custodial facility ng Parañaque Police Station at nahaharap sa dalawang bilang ng kasong rape at child abuse.

Nagpaalala ang pulisya sa mga magulang na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kaso ng pang-aabuso upang ito ay maagapan at mabigyan ng hustisya ang mga biktima. RNT