Home METRO Suspek sa pagpatay sa tserman at asawa nito, arestado

Suspek sa pagpatay sa tserman at asawa nito, arestado

MANILA, Philippines – Naaresto na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang barangay chairman at kanyang asawa sa Cebu noong Marso 2023.

Kinumpirma ni CIDG chief Maj. Gen. Nicolas Torre III ang pagkakaaresto kay alyas Kapoy, ang ika-7 most wanted sa Central Visayas, nitong Martes bandang 12:40 p.m. sa Barangay Subangdaku, Mandaue City.

Si Kapoy, residente ng Barangay Tubod, Asturias, Cebu, ang itinuturong salarin sa pagpatay kay Barangay Manguiao Chairperson Mario Delfin Tundag at sa kanyang asawa, Edna.

Noong Setyembre 20, 2023, naglabas ng warrant of arrest para sa kasong double murder si Judge Ruben Fermin Altubar ng Toledo City Regional Trial Court Branch 29 laban kay Kapoy. Ang mag-asawa ay pinaslang noong Marso 14, 2023, sa kahabaan ng pambansang lansangan sa Poblacion, Asturias, Cebu—isang krimen na umani ng malawakang pansin mula sa publiko at media.

Sa pamumuno ng CIDG Cebu Field Unit, isinagawa ng Special Investigation Task Group – SITG TUNDAG ang masusing imbestigasyon na nagresulta sa pagkakakilanlan ng suspek, pagsasampa ng kaso, at ang kanyang pagkakaaresto. RNT