Home HOME BANNER STORY 300K MT ng imported na bigas darating ngayong Agosto, Setyembre – rice...

300K MT ng imported na bigas darating ngayong Agosto, Setyembre – rice industry group

MANILA, Philippines – Inaasahang darating sa bansa ngayong Agosto at Setyembre ang nasa 300,000 metriko tonelada ng imported na bigas.

Ito ang sinabi ng Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRiSM) upang masuportahan ang suplay ng bigas sa bansa. Sa kabila nito, hindi pa rin nila tiyak kung mapapababa nito ang presyo ng bigas sa merkado.

“We assured the President that at least 300,000 metric tons is coming in this August and mayroon din sa September. I am not sure [kung gaano karami ang darating sa September] But they said, mga 300,000 ang darating. August-September na ‘yun,” pahayag ni Rowena Sadicon, PRiSM Founder at Lead Convenor.

“Yun ang challenge talaga, ang presyo. Dahil nag shoot ang presyo sa world market. Ang India kasi, nag export ban sila. Forty percent ng supply ng buong mundo, nanggagaling sa India,” paliwanag pa ni Sadicon.

Nitong Biyernes, Agosto 11, sinabi ni Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban na nakipag-usap na ang ahensya sa Vietnam at India, “upon the directive of President Ferdinand Marcos Jr.”

Bilang resulta naman ng nagpapatuloy na usapan, sinabi ni Panganiban na, “some Vietnamese exporters have quoted our private traders $30-$40 lower since our [last] meeting in Malacañang.”

Sa kabila nito, sinabi naman ng Federation of Free Farmers Cooperatives na hindi lang dapat umasa sa Vietnam at India ang Pilipinas dahil nakikipag-usap din naman ito sa iba pang mga bansa.

“That is diplomatic chitchat. Of course, they will supply because they need to seel their surplus. Pero, at what price? Kung nago-offer ibang bansa ng let’s say $700 per tonne, do you think they will sell it to us at $500?” ani FFFC National Manager Raul Montemayor.

Nagtataka naman si Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo kung bakit mas tinututukan pa rin ng pamahalaan ang pag-angkat ng bigas kaysa sa pagpapalakas ng lokal na produksyon.

Ngayong buwan, matatandaang sinabi ni DA Undersecretary Mercedita Sombilla na target ng ahensya ang importasyon ng karagdagang 1.3 milyong metriko tonelada ng bigas.

Nauna na ring siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Filipino na may sapat na suplay ng bigas sa bansa kahit pa maraming palayan ang napinsala ng bagyong Egay. RNT/JGC