Home OPINION 300K PINOY TNT PALALAYASIN NI TRUMP 

300K PINOY TNT PALALAYASIN NI TRUMP 

NANGANGAMBA si Philippine Ambassador to the United States United States Jose Manuel Romualdez na kasama sa mga posibleng palayasin ni Pangulong Donald Trump ang nasa 300,000 Pinoy na iligal na naninirahan at nagtatrabaho roon sa bisa ng TNT o Tago Nang Tago.

Kasama sa mga TNT ang nagtuturista , namamasyal sa kamag-anak, kasama sa mga opisyal ng lakad ng gobyerno, kasama ng mga organisasyong may lakad sa US at pagkatapos, bigla na lang naglalaho at nagtatago at doon na maghahanap ng mapapasukan at mapagkakakitaan.

Ang iba, nag-e-expire ang mga visa ngunit ayaw nilang umuwi sa Pinas o kung saan man sila nanggaling na ibang bansa at napapadpad sa ‘Merika.

Seryoso si Trump sa pagpapalayas sa mga iligal na dayuhan lalo na kung iisipin na mahigit 50 milyon ang mga ito.

Ayon sa mga ayaw sa sobrang dami ng mga dayuhan sa US, naagawan umano ang mga Kano ng mga trabaho lalo’t tanggap nang tanggap lang ng trabaho ang mga dayuhan kahit mababa ang pasahod sa kanila.

Malaking pabigat din umano na pasanin ng gobyerno nila ang 50 milyong iligal na umubos ng malalaking bulto ng tubig, kuryente, pagkain, gamot at iba pa at malaking kabawasan din sa mga Kano ang mga ito.

Sakit din sa ulo ng gobyerno ang mga ito, lalo na mula sa Mexico at Latin Amerika dahil dito nanggagaling ang pinakamalalaking bulto ng droga na pumapatay ng mga Kano taon-taon, bukod sa pinagmumulan ang mga ito ng mga katakot-takot na krimen gaya ng patayan at smuggling ng mga tao at kalakal.

May 8 milyon Kano umano ang adik sa droga at taon-taong may natotodas sa overdose na 100,000.

Sabi ni Romualdez, mabuti pang umuwi nang kusa ang mga Pinoy TNT dahil, kung hindi, maaaring pagmumultahin na sila, makukuong pa bago ma-deport.