Home OPINION GRABE AT WALANG KATAPUSANG BAGYO

GRABE AT WALANG KATAPUSANG BAGYO

KAAALIS lang ng bagyong Marce at ngayon nilalapa naman ng Signal No. 4 bagyong Nika ang gitna ng northern Luzon sa pag-landfall sa Aurora province.

Malakas ang Signal No. 4 dahil ang bugso nito, eh, halos aabot na sa pasimula ng super typhoon.

‘Yun bang === naitala si Nika na may bugsong hanging 180 kilometro kada oras at 5 kilometro na lang ang kulang bago nito abutin ang 185km/h na pasimula ng super typhoon.

‘OFEL’ HUMAHABOL

Ofel ang tawag sa darating na bagyo na noong kamakalawa ay mahigit 2,000 ang layo nito sa Pinas.

Sa nakalipas lang na 24 oras, anak ng tokwa, nasa 1,600 kilometro na lang ang layo nito sa eastern Visayas sa bilis nitong 35 kilometro kada oras.

At ngayon, sinasabi ng PAGASA na sa araw na ito, pasok na si Ofel na Philippine Area of Responsibility.

Sa darating na Huwebes, tatama na sa kalupaan ng Central o north Luzon.

MALALAKAS NA ULAN

Binabayo na ni Nika ang northern Luzon ng malakas na hangin at napakalakas at matagalang ulan.

Ganito rin ba ang dala-dala ni Ofel?

Kung gayon, mga Bro, maghanda-handa na sa mga baha.

At maging sa mga landslide dahil marurupok na ang matataas na lugar sa walang puknat ng mga pag-ulan.

Alalahaning bibihira ang nasasawi sa malalakas na hangin at ‘yang mga baha at landslide ang ikinasasawi, ikinasusugat at ikinami-missing ng marami.

LAHAT SIRA

Sana hindi maulit ang naganap sa bagyong Kristine na ikinasawi ng mahigit 150.

Pagkalunod at pagkatabon ng lupa sa landslide ang ikinasawi ng karamihan.

Ang mga missing, hindi pa natatagpuan.

Bukod sa mga nasasawi at missing, naririyan din ang nakaaawang kalagayan ng mga nasisiraan ng mga tahanan, nawawalan o nawawasakan ng mga hanapbuhay at iba pang uri ng kawalan at paghihirap.

Maging ang pag-aaral ng mga bata, nasisira rin sa pagkawasak ng kanilang mga paaralan, pagkasira sa baha ng kanilang mga kagamitan at kawalan ng maaral sa pagkasira ng kuryente, wifi at internet.

MAGHANDA ULIT AT MAGTULUNGAN

Ano pa nga ba ang gagawin natin kundi maghanda muli laban sa kalamidad.

At ang paghahanda, kasama ang mahigpit na pagtutulungan.

Hindi dapat kasawaan ang paghahanda at pagtutulungan dahil ang disgrasya at kalamidad ay bahagi ng tunay na buhay na dapat harapin.

Dangan nga lang at nauubusan ang mga magkakapitbahay at mamamayan na biktima ng mga kalamidad ng pantulong sa isa’t isa at sa dasal na lang sila naghahatid ng tulong.

Gayunman, agad silang kumikilos sa mga panawagan na pagkilala sa mga biktima, paghahatid ng ayuda mula sa pamahalaan at mga organisasyon patungo sa mga biktima at iba pa.

Meron at meron talagang magagawa na pantulong sa isa’t isa sa gitna ng mga bagyo, kalamidad at krisis.