HIGIT dalawang linggo na ngayon matapos manalasa ang ‘Bagyong Kristine’ at “kahit paano,” ‘naka-move-on na ang mga nabiktima, dahil na rin sa mabilis na aksyon ng ‘government agencies’ at mga may malasakit na Local Government Units sa kanilang mga nasasakupan.
Subalit, para sa mahigit 50,000 residente ng Brgy. Malaban at Brgy. Dela Paz sa Binan City, Laguna, patuloy ang kanilang “kalbaryo” dahil 2-linggo matapos dumaan si Kristine, lampas-bewang pa rin ang taas ng baha sa kanilang lugar!
Ayon sa mga miron, sapul nang magsagawa ng kwestyunableng ‘15-hectares reclamation’ si Mayor Arman Dimaguila dakong 2020, palagi nang mataas ang tubig-baha sa nasabing mga lugar.
Kung dati nang problema ng mga residente ang pagbaha dahil nasa “gilid” sila ng ‘Laguna De Bay,’ “humuhupa” naman daw ito agad pagkaraan ng 2-3 araw.
Pero ngayon, PBBM, 2-linggo na, ‘ka-level’ pa rin ng lawa ang kanilang barangay, bakit, tanong mo ba, Mr. President?’
Oops! Lumalabas na ‘questionable’ ang reclamation dahil sa dokumento, wala itong permiso ng Laguna Lake Development Authority at Department of Environment and Natural Resources. Ano yan, LLDA general manager Senando Santiago, ‘2-years in the making,’ hindi mo alam?! Wehh?!
Kung kaya may reklamasyon na umano’y umabot sa higit P3 bilyon ay para “solusyunan” ang pagbaha, eh, “palpak,” Mayor Arman.
Baka naman kasi ‘for private use only’ kaya ‘’out” ang mga residente? Saan din kaya nanggaling ang P3 bilyon?
‘Among the poorest of the poor’ ang mga residente sa Malaban at Dela Paz mga kabayan. At isinulat natin ito para naman marinig ang “boses” nila.
Limang residente na rin ang namatay sa ‘dengue’ bunga ng kanilang sitwasyon. Sana naman mapansin tayo ng gobyerno.