MANILA, Philippines- Sugatan ang 31 estudyante sa Alfonso Castaneda, Nueva Vizcaya matapos bumigay ang dinaraanang hanging bridge, ayon sa mga pulis.
Naganap ang insidente bandang alas-8:40 ng umaga nitong Huwebes sa boundary ng Sitio Melina at Sitio Diogan sa Barangay Abuyo.
Ayon sa Nueva Vizcaya police, patungo ang mga estudyante at faculty members ng Abuyo National High School – 91 estudyante, walong umpires, apat na coach, at apat na officiating officials, sa isang paaralan para sa intramurals sa open court ng Sitio Diogan.
Base sa kanilang imbestigasyon, inatasan ni Robelle de Leon, isang guro, ang mga estudyante na tumawid sa tulay nang kada batch.
“Tigli-lima lang muna,” wika umano ni de Leon, batay sa police report.
Sa kabila nito, hindi umano sinunod ng mga estudyante ang utos dahilan upang bumigay ang tulay.
Dinala na ang mga estudyante sa ospital para sa medical tests at interbensyon, ayon sa mga awtoridad. RNT/SA