MANILA, Philippines – Sugatan ang 31 pasahero matapos magbanggaan ang dalawang EDSA carousel buses sa Guadalupe Northbound, Makati City, Lunes ng gabi.
Ayon sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Makati police, bumangga ang isang bus sa likuran ng isa pang bus na huminto dahil sa motorsiklong tumawid mula sa center island ng MRT-3.
Walong pasahero mula sa unahang bus at 23 mula sa pangalawang bus ang nasugatan.
Sinabi ng drayber ng pangalawang bus na nawalan siya ng preno, dahilan ng pagbangga.
Agad na rumesponde ang mga emergency teams upang magbigay ng first aid, habang ang ilan ay dinala sa ospital para sa karagdagang gamutan.
Nagdulot ang aksidente ng matinding trapiko mula EDSA Orense, kaya’t lumabas sa busway ang ibang EDSA carousel buses upang maipagpatuloy ang kanilang biyahe. RNT