Home NATIONWIDE 34 Indian firms pinayagang makapag-export ng carabeef sa Pinas

34 Indian firms pinayagang makapag-export ng carabeef sa Pinas

MANILA, Philippines- Binigyan ng ‘go signal’ ng Department of Agriculture (DA) ang 34 Indian companies para mag-suplay ng frozen buffalo meat (carabeef) sa Pilipinas.

Anim sa accredited Indian meat exporters ang naunang naaprubahan noong 2019 at ni-renew na lamang ang kanilang accreditation status. Ang bagong akreditasyon ay magiging balido sa loob ng tatlong taon hanggang Disyembre 12, 2027.

Sa isang kalatas, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., layon ng hakbang na palawakin ang ‘sourcing options’ para sa Philippine food processors at potensyal na bawasan ang halaga ng produkto gaya ng corned beef.

“We do not intend to increase imports. What we want is to encourage more foreign companies to compete for our market, which will ultimately drive down the cost of imported agricultural products, benefiting consumers,” ang sinabi ni Laurel.

Sa kabilang dako, kinumpirma naman ng DA – National Meat Inspection Service na lahat ng 34 kompanya ay naghahangad ng accreditation na pasok sa international food safety standards, kabilang na ang “good manufacturing practices at hazard analysis, at critical control points.”

Gayunman, ang 13 iba pang kompanya ay pinagbawalan na kaagad na mag-export ng carabeef sa Pilipinas dahil ang kanilang operasyon ay base sa Maharashtra, Telangana, at Bihar, kung saan napaulat na aktibo ang foot-and-mouth disease (FMD) at may outbreaks.

Natuklasan naman ng DA-Bureau of Animal Industry na tatlo sa pitong Indian states ang mayroong FMD cases matapos rebyuhin ang animal health protocols nito.

Sa ulat, nagpatupad ang Agriculture Department ng import ban sa mga naturang rehiyon. Ang Carabeef imports mula sa mga nasabing lugar ay ipinagbawal hanggang sa magdeklara ang India National Competent Authority na “free from FMD” ang mga nasabing rehiyon.

Samantala, hindi rin pagkakalooban ng DA ng exemption ang mga heat-treated products, dahil ang akreditasyon ay tumutukoy na makipagkalakalan sa frozen carabeef.

Winika ni Laurel na maaari niyang ikonsidera na payagan ang importasyon ng heat-treated products kung ang India ay mayroong “method of boiling carabeef” upang tugunan ang FMD concerns, kahalintulad sa proseso na ginagamit ng Pakistan para sa buffalo meat na ini-export nito sa Tsina. Kris Jose