Home NATIONWIDE 35K manggagawa na apektado ng El Niño binigyan ng pansamantalang trabaho

35K manggagawa na apektado ng El Niño binigyan ng pansamantalang trabaho

MANILA, Philippines – Nagbigay ng alternatibong kabuhayan ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mahigit 35,000 manggagawa na apektado ng El Nino.

Sa pre-Labor Day press briefing, sinabi ni DOLE Undersecretary Benjo Benavidez na ang mga apektadong indibidwal ay pansamantalang nagtatrabaho sa ilalim ng
Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD Program.

Ang mga ito ay nagmula sa Cordillera Administrative Region at Mimaropa, maging sa Regions I, III, IV-A, VI, IX, at X.

“Meron tayong mga kababayang [naapektuhan] ng El Niño at dahil dun nawalan sila ng trabaho. Binigyan natin sila ng tinatawag natin na temporary wage employment under the TUPAD,” ayon kay Benavidez.

“Tuloy-tuloy po ang ating tulong na ibinibigay sa mga kababayan na apektado ng El Niño. Sa katunayan, malaking bahagi ng TUPAD payouts ay para sa mga kababayan nating naapektuhan ng El Niño,” dagdag niya.

Inilaan dito ang P163 milyong pondo para sa sahod ng mga benepisyaryo.

Nitong Miyerkules, sinabi ng Task Force El Nino na nasa 100 lungsod at bayan sa Pilipinas ang apektado ng El Nino phenomenon. RNT/JGC