MANILA, Philippines – Pinaiimbistigahan na ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang reklamo sa isinasagawang strip searches sa mga bisita ng persons deprived of liberty (PDLs) sa New Bilibid Prisons.
Iginiit ng kalihim na hindi kailanman pahihintulutan ng Department of Justice (DOJ) ang mga tiwaling prison guards na mapapatunayang umabuso sa kanilang kapangyarihan na magsagawa ng physical searches.
Tapat aniya ang kagawaran sa tungkulin nito na mapanatili ang respeto sa karapatan pantao ng sinuman na nagtutungo sa Bilibid.
“We do not condone degrading or inhuman or absurd treatment towards anyone because we want our prisons to be safe, secure and decent,” ani Remulla.
Iniutos na rin ni Remulla ang pagrepaso sa mga sanctions na ipinapataw sa mga napapatunayan na nagkamaling tauhan.
Binigyan-diin ni Remulla na mahigpit na sumusunod ang DOJ sa international standards kaugnay sa ipinaiiral na body searchers, partikular ang pagtalima sa Nelson Mandela Rules kung saan iginigiit na ang mga Corrections officers ay dapat maging magalang sa dignity at privacy ng bawat indibidual.
Una nang nagsampa ng reklamo sa Commission on Human Rights (CHR) ang ilan asawa ng mga PDL at political prisoners dahil sa naranasan na strip search sa kanila noong April 21 sa New Bilibid Prison Maximum Security Compound.
Kahqpon iniutos na rin ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang na maimbistigahan ang insidente. Bukas din si Catapang sa isasagawang imbestigasyon ng Kongreso. Teresa Tavares