MANILA, Philippines – Nasagip ng mga tauhan ng PHilippine Coast Guard (PCG) ang 37 na mga mangingisda matapos tumaob ang kanilang sinasakyang bangka sa Balabac, Palawan ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Sa isang pahayag ng BFAR, ang F/V Andrei Sarah ay umalis sa San Jose, Occidental Mindoro noong Enero 8.
Dahil sa maaalon na lagay ng dagat, dinala ng boat captain ang sasakyang pangisda sa may kalamadong lugar sa pagitan ng Balabac at Tawi-Tawi Islands para makarating sa Limingnangcong, Taytay, Palawan para ipaayos.
Gayunman, natamaan ng sasakyang pandagat ang bahura at nasira malapit sa Onok Island sa Balabac alas-4 ng madaling araw noong Enero 29 dahilan para ito ay tumaob.
Iniulat ang insidente sa Philippine Coast Guard (PCG) detachment sa Onok Island kung saan tumugon naman ang Coast Guard Station sa Balabac IsIand.
Noong Enero 31, nakuha ng BRP Dau Pagbuaya at BRP Datu Bankaw ng BFAR ang 32 sa 37 mangingisda at inihatid sa kanilang homeport.
Samantala, ang limang iba pa ay kabilang ang master fisherman at boat mechanic ay nanatili sa Balabac upang bantayan ang salvage fishng gears ayon sa BFAR. Jocelyn Tabangcura-Domenden