Home NATIONWIDE P5B taunang PNP camp development funds, ikinasa sa Senado

P5B taunang PNP camp development funds, ikinasa sa Senado

MANILA, Philippines – Tuluyan nang umusad sa Senado ang panukalang batas na magpapaunlad, pagpapahusay at pagpapaganda ng lahat ng kampo ng Philippine National Police (PNP) upang palakasin ang pagtugon sa hamon sa seguridad.

Sa pahayag, Inihayag ni Senador Alan Peter Cayetano na tinalakay kamakailan ang Philippine National Police Camp Development Fund Act sa ilalim ng Senate Bill No 307 na naglalayong maglaan ng P5 bilyon kada taon.

Malugod na tinanggap naman ng pamunuan ng PNP ang panukala ni Cayetano na dumalo sa pagdinig nitong Lunes na gawing moderno, paunlarin, at i-upgrade ang lath ng kampo ng pulisya kabilang ang training camps.

Ayon sa PNP, isa itong malaking hakbang tungo sa pagpapahusay ng puwersa ng pulisya, pagpapabuti ng operasyon, at pangangalaga sa kapakanan ng tauhan nito.

Tinalakay ang panukalang Philippine National Police Camp Development Fund Act (Senate Bill No. 307) sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Committee nitong Lunes, Pebrero 3, 2025.

Ang panukala, na inihain ni Cayetano noong Hulyo 22, 2022, naglalayong maglaan ng P5 bilyon taun-taon para sa isang limang-taong plano ng pagpapaunlad ng lahat ng kampo at headquarters ng PNP.

“The PNP Director for Logistics extends his thanks for the sponsorship of this important piece of legislation,” wika ni Police Colonel Giovanni Caliao ng PNP Directorate for Logistics.

“This development will not only enhance the morale and productivity of our uniformed personnel but also grants them with essential tools and resources needed to perform the duties with greater dedication and professionalism,” dagdag niya.

Kabilang sa mga proyekto na nakapaloob sa pondo ang pangunahing pasilidad tulad ng training area, pampalakasan, panuluyan, kagamitan, sistema para sa seguridad, at iba pang itatakda ng PNP chief.

Lahat ito ay upang suportahan ang kapulisan sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin.

Matagal nang sinusuportahan ni Cayetano ang mga pulis sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin.

“I hope you use this goodwill na pinagaganda natin ang mga kampo,” wika niya sa kanyang talumpati sa groundbreaking ceremony ng crime laboratory sa Camp Bagong Diwa sa lungsod ng Taguig noong January 26, 2024.

“Let us have the same priorities, my brothers and sisters in uniform, dahil ito ay para sa inyo, para ating kababayan, at para sa ating mahal na bansang Pilipinas,” dagdag niya.

Pinuri naman ni National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Ralph Calinisan ang panukala.

“This is actually a good proposal from Senator Alan Cayetano,” wika niya.

Ayon kay Caliao, malaki ang maitutulong ng pagpasa ng panukala ni Cayetano sa pagpapanatiling handa ng PNP na tugunan ang mga hamon sa loob at labas ng bansa.

“This bill will ensure that the PNP infrastructure needs will no longer be dependent on allocations but rather on a sustained and forward-looking plan,” wika niya.

“This legislation represents a sound investment in the future of the PNP in the benefits and the continued security and prosperity of our nation,” dagdag niya. Ernie Reyes