MANILA, Philippines – Matagumpay na naiturn-over ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mahigit 387 patient transport vehicles (PTVs) sa mga LGU sa Luzon bilang bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na palakasin ang healthcare system sa bansa.
Pinangunahan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang distribusyon ng PTVs na isinagawa sa Quirino Grandstand.
Dumalo rin sa kaganapan sina PCSO General Manager Mel Robles at Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso.
Ang 30 PTVs ay ipapamahagi sa piling local government units sa Region I; 72 sa Region II; 99 sa Region III; 27 sa Region IV-A; 60 sa Region IV-B; 64 sa Region V; at 35 sa Cordillera Administrative Region.
Nakatakda ring mamahagi ang gobyerno ng 123 patient transport vehicles sa lahat ng LGUs sa Eastern Visayas at 105 sa Mindanao.
Simula Hulyo 2022 hanggang sa kasalukuyan, kabuuang 1,067 PTVs ang naipamahagi na sa buong bansa.
Nakatakda ring kumuha ng 395 pang PTVs ang PCSO para sa kahilingan na maipamahagi ng LGU at national government sa 2026, kung saan popondohan ito ng ₱1 bilyon.