MANILA, Philippines – Mayroong 4,277 bagong naitalang kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) para sa ikaapat na quarter ng 2025.
Sa ulat, karamihan sa mga kaso ay lalaki na may bilang na 4,038, habang 239 naman ang babae.
Ang mga pasyente na nasa edad 25 hanggang 34 ang bumuo ng 45% o 1,929 kaso, kasunod ang mga nasa edad 15 hanggang 24 na may 32% o 1,361 kaso.
Nakababahala rin ang 15 kaso ng mga pasyenteng mas bata sa 15 taon.
Bagaman mas mababa ito kumpara sa 5,583 na kaso noong ikatlong quarter ng 2025, nakapagtala pa rin ng 47 average na kaso bawat araw mula Oktubre hanggang Disyembre.
Sa parehong panahon, may kabuuang 1,069 pasyente ang may advanced HIV disease.
Sa kabuuan, umabot na sa 163,454 ang naitalang kaso ng HIV mula Enero 1984 hanggang Disyembre 2025.
Sa kabila nito, iniulat ng DOH na aktibo ang mga pasyente sa paghahanap ng tulong, kung saan 4,760 ang bagong nag-enroll para sa Pre-Exposure Prophylaxis (PrEP).
Ang kasalukuyang 95-95-95 target ng bansa ay nasa 61% diagnosed, 66% on treatment, at 57% na may suppressed viral load.
Tinawag ng DOH ang HIV bilang isang “evolving” epidemic noong Disyembre at nagbabala na ang bilang ng kaso ay maaaring umabot sa higit 457,000 pagsapit ng 2030 kung hindi maagapan.
Sa Pebrero 2025, nagtaas ng alarma ang ahensya dahil sa mabilis na pagkalat ng HIV sa kabataan matapos tumaas ang kaso ng 500%.
Sa datos, sinabi ng DOH na ang Pilipinas ang may pinakamataas na bagong mga kaso sa Western Pacific Region kung saan maraming mga bagong kaso ay mga kabataan. Jocelyn Tabangcura-Domenden