Home NATIONWIDE 4 dam sa Luzon bukas para magpakawala ng tubig

4 dam sa Luzon bukas para magpakawala ng tubig

MANILA, Philippines – Nagbukas ng mga gate at nagpakawala ng tubig ang apat na dam sa Luzon dahil sa malalakas na pag-ulan na natanggap ng mga ito dulot ng southwest monsoon o Habagat.

Sa Dam Water Level Update, sinabi ng PAGASA na tig-tatlong gate ang binuksan sa Ambuklao Dam sa Bokod, Benguet at Binga Dam sa Itogon.

May tig-isang gate naman na nagpapakawala ng tubig ang binuksan sa Magat Dam na matatagpuan sa pagitan ng Ifugao at Isabela, at Ipo Dam sa Bulacan.

Lahat ng mga gate sa Ambuklao at Binga Dam ay nakabukas sa 1.5 metrong lapad.

Ang lebel ng tubig sa Ambuklao ay nasa 751.78 meters, o malapit nang maabot ang normal high-water level na 752 meters.

Nagmarka ito ng 0.43 metrong pagtaas mula sa dating 751.35 meters noong Biyernes.

Habang bahagyang tumaas din ang lebel ng tubig sa Binga Dam sa 574.67 metro nitong Sabado mula sa 574.45 metro nitong Biyernes.

Malapit na din ito normal high-water level na 575 metro.

Samantala, bukas naman ang gate ng Magat Dam sa lawak na 2 metro.

Ang dam ay kasalukuyang mayroong 186.43 metro ng tubig na bahagyang bumaba mula sa 190 metro noong Biyernes, at 3.57 metrong malayo pa sa normal high-water level na 190 meters.

Ang Ipo dam ay mayroon ding isang gate na nakabukas sa 0.15 metro, at ang lebel ng tubig ay 100.24 metro.

Nananatiling sarado ang gate ng ibang mga dam dahil malayo pa naman sa normal high-water level ang lebel ng tubig ng mga ito. RNT/JGC