MANILA, Philippines – Kasunod ng pagdalaw ni Vice President Sara Duterte, sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos at Senador Bong Revilla naman ang dumalaw sa bahay ni dating Vice President Leni Robredo kasabay ng pagdiriwang ng Peñafrancia Festival sa Naga City.
Sa kabila nito, sinabi rin ni Robredo na ang mga pagbisitang ito ay “politically neutral.”
“‘Pag Peñafrancia dito sa amin, wala naman kulay ng pulitikang tinitingnan. Walang partido, politically neutral dito lahat. Lahat ng pumupunta para kay Ina ay welcome dito sa amin. Mula nu’ng naging mayor ang asawa ko noong 1988, ganito na. Every time na may bisita ang Naga na si Ina ang sadya, very much welcome dito sa amin,” aniya.
Walang pahayag si Abalos kaugnay sa kanyang pagbisita, habang sinabi naman ni Revilla na ang pagbisita niya ay bahagi ng personal nitong debosyon sa Our Lady of Peñafrancia.
“Hindi po kailanman mapuputol ang ating personal na pagdalaw at pagbibigay-pugay sa Dakilang Inang Birhen bilang bahagi ng aking panata — isang tradisyon ng walang hanggang pananampalataya at pasasalamat sa bawat biyaya at gabay Niya sa akin, aking pamilya, at mamamayang Pilipino,” ani Revilla.
Matatandaan na noong Biyernes ay binisita si Robredo ni Duterte.
“Former VP Leni Robredo was in Naga for the Peñafrancia Festival. While she was there, VP Sara Duterte visited her at her house,” ayon sa tagapagsalita ng dating bise presidente na si Barry Gutierrez.
Ayon kay Gutierrez, ang usapan sa pagbisita ni Duterte ay “personal and not political.”
Nanawagan naman si dating senador Francis “Kiko” Pangilinan, chairman ng Liberal Party, na huwag gawing isyu ang pagbisita ni Duterte kay Robredo.
“Sa Peñafrancia from all walks of life sa Naga ang punta since 1988, nung unang nag Mayor si Jesse welcome ang lahat sa bahay nila Leni. Agenda ni Ma’am Leni dito hindi pulitika kundi i-welcome ang mga sumama sa pilgrimage, regardless.”
“Huwag na sana natin palakihin pa,” sinabi ni Pangilinan. RNT/JGC