MANILA, Philippines – Sinupalpal ng asawa ni Harry Roque na si Mylah, si Surigao del Norte 2nd District Rep. Ace Barbers, at tinawag itong “abusive individual” sa pagsasabing siya ang incorporator ng Lucky South 99, isang Philippine offshore gaming operator (Pogo).
Sa social media post nitong Sabado, Setyembre 21, sinabi ni Mylah na walang dokumentong nag-uugnay sa kanya sa Lucky South 99.
Si Barbers ang umuupo sa imbestigasyon ng House quad committee sa mga POGO at drug war sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagsilbing presidential spokesperson si Roque sa panahon ni Duterte.
“Ace Barbers is an abusive individual. He abuses his immunity from libel with a claim that I am an incorporator of Lucky South even when there is no single document linking me to it,” saad sa post sa Facebook ni Mylah.
Noong Martes, iginiit ni Barbers ang kahalagahan ng imbestigasyon sa Biancham Holdings, lalo na ang kaugnayan nito sa Lucky South 99.
Kamakailan ay sinabi ni Roque na siya at ang kanyang asawang si Mylah ay shareholders ng Biancham.
Inamin din ni Roque noon na kasama rin siya sa mga nagmamay-ari ng isang bahay sa subdivision sa Tuba, Benguet, na ni-raid ng mga awtoridad noong Hulyo dahil ginagamit ito ng mga dayuhang may kaugnayan sa POGO.
Ang tirahan ay pagmamay-ari ng PH2 Corp., na pagmamay-ari ng Biancham.
Nitong Huwebes ay inimbestigahan ng House quad panel ang mga criminal na aktibidad ng POGO, at nag-isyu ng show cause order laban kay Mylah Roque upang paharapin ang mga ito sa mga pagdinig.
Ani Barbers, lumipad ang asawa ni Roque patungong Singapore noong unang linggo ng Setyembre at ang medical certificate na ipinasa sa panel para ipagtanggol ang kanyang hindi pagdalo sa pagdinig ay hindi katanggap-tanggap.
Sa Facebook post, sinabi ni Mylah na siya ay lumipad pa-Singapore para magpagamot ngunit si Barbers ay “malicious interpretation proves why his panel never accepted any of my medical certificates, not just from my long-time doctor but even hospital records.” RNT/JGC