MANILA, Philippines- Magsasagawa ng restoration works sa kahabaan ng Claro M. Recto Avenue (westbound) sa Manila sa loob ng apat na araw simula ngayong Biyernes, base sa Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Huwebes.
Sa social media post, sinabi ng DPWH-North Manila District Engineering Office (NMDEO) na sisimulan nito ang repair at maintenance activities sa sirang concrete pavement ng major thoroughfare, na inaasahang bubuksan sa susunod na linggo.
Dagdag nito, magsasagawa ng road restoration works sa kahabaan ng outermost lane ng CM Recto Avenue na sasaklawin ang 13.5 by six meters ng concrete pavement, na mangangailangan ng partial closure ng dalawang lane sa kahabaan ng kalsada.
Inabisuhan ang mga motorista at mga commuter ng pagbagal ng daloy ng trapiko sa mga apektadong lugar sa kasagsagan ng repair works.
Bubuksan ng DPWH-NMDEO ang mga isinarang lane matapos ang restoration activities ng alas-6 ng umaga sa Dec. 31.
Bahagi ang repair works ng regular preventive maintenance ng DPWH-NCR sa national roads upang matiyak ang ligtas na pagbiyahe sa Metro Manila. RNT/SA