MANILA, Philippines – SWAK sa kulungan ang apat na hinihinalang drug personalities matapos makuhanan ng mahigit P.9 milyong halaga ng droga nang maaresto sa magkahiwalay na drug operation sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, nagsagawa ng beripikasyon ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) matapos ang natanggap nilang impormasyon hinggil sa umano’y nagaganap na transaksyon ng illegal na droga sa Phase 10, Brgy., 176, Bagong Silang.
Pagdating sa lugar dakong alas-10:35 ng umaga, naaktuhan ng mga operatiba ang tatlong indibidwal, kabilang ang isang babae na nagtatransaksyon sa illegal na droga na nagresulta sa pagkakaaresto kina alyas Mark, 22 at alyas Juliana, 21, kapwa ng San Jose Del Monte, Bulacan habang nakatakas ang kanilang katransaksyon.
Nakumpiska sa mga suspek ang pitong kilograms ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may Standard Drug Price (SDP) value na P840,000.00.
Dakong alas-10:22 naman ng gabi nang maaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa buy bust operation sa Sampaguita St., Barangay 156, sina alyas Jonjon, 34, at alyas Jeff, 37, kapwa ng Quezon City.
Nakuha sa mga suspek ang nasa 21.20 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P144,160.00 at buy bust money na isang P500 bill, kasama ang anim na pirasong P1,000 boodle money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Rene Manahan