Home METRO 4 estudyante nahulog sa poso negro; 1 patay, 3 sugatan

4 estudyante nahulog sa poso negro; 1 patay, 3 sugatan

MANILA, Philippines- Patay ang isang Grade 5 student habang nagtamo ng sugat ang tatlo pa nito kaklase makaraang bumagsak ang takip na kanilang inuupuan sa loob ng Sinaliw Malaki Elementary School sa Bgry. Sinaliw Malaki, Alfonso Cavite.

Pawang mga estudyante ang apat na biktima na isinugod sa Poblete Hospital, subalit idineklarang dead on arrival si alyas Criszel, 12-anyos.

Ayon sa report, sabay umanong kumain ng pananghalian ang mga estudyante bandang alas-12:30 ng hapon sa loob ng kanilang eskwelahan nang bigla umanong bumigay at bumagsak ang takip ng isang poso negro dahilan upang mahulog ang mga ito at bumulusok sa ilalim.

Mabilis namang nirespondehan ng mga kawani ng Alfonso Rescue Team at isinugod sa ospital ang mga biktima subalit namatay ang isa at nagtamo ng sugat ang tatlo pa.

Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa eskwelahan hinggil sa nasabing insidente. Margie Bautista