Home NATIONWIDE DENR may ‘lapses’ sa pagsulputan ng resort sa Chocolate Hills – solon

DENR may ‘lapses’ sa pagsulputan ng resort sa Chocolate Hills – solon

MANILA, Philippines- Malinaw na may “negligence” ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaya nakalusot na makapagpatayo ng resort sa Chocolate Hills ang Captain’s Peak, ayon kay Deputy Majoroity Leader Erwin Tulfo.

Sa pagdinig ng House Committee on Natural Resources ukol sa kontrobersyal na resort sa Chocolate Hills, sinabi ni Tulfo na ang lugar ay deklarado bilang national heritage site at geological park ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) kaya naman hindi dapat napayagan ang pagtatayo ng resort.

“Pero por diyos por santo, I mean, national heritage, tourist attraction, lalagyan mo naman kung ano-ano, hindi maganda sa mata, di ba?” pahayag ni Tulfo.

Sa ilalim ng Proclamation No. 1037 sa panahon noon ni dating Pangulong Fidel Ramos, ang Chocolate Hills ay dineklara bilang “natural monument” subalit naamyendahan ito ng Proclamation No. 333, na nagbabawal lamang na magkaroon ng istraktura sa loob ng 20 meters baseline ng Chocolate Hills. Ang lugar kung saan naroon ang Captain’s Peak ay tinuturing na “alienable and disposable land,” base na rin sa deklarasyon ng gobyerno noong 1920 kaya maari itong ibenta sa pribadong indibidwal.

Iginiit ni Tulfo na dapat mas tiningnan ng DENR ang pagiging national heritage ng lugar.

“So, I guess they really have to fix that. Mabuti naman na it was brought to our attention para kami naman sa Congress can fix this yung mga batas kung meron mga gagawin, which I’m sure kailangan i-adjust” paliwanag ni Tulfo.

Gayundin naman ang pahayag ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, kung saan aniya, nagkamali ang DENR at ito ay dapat na itama upang wala nang magsulputan pa na ibang mga istraktura sa lugar. Gail Mendoza