Home NATIONWIDE Bong Go: Ibang nurse patay na, HEA wala pa

Bong Go: Ibang nurse patay na, HEA wala pa

MANILA, Philippines- Muling iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang pakikiisa sa mga healthcare worker kung kaya patuloy siya sa pag-follow up sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan upang mai-release na ang nakabinbing Health Emergency Allowance (HEA) ng mga ito.

Sa ikatlong pagdinig ng Senate committee on health and demography na pinamumunuan mismo ni Go, muling inukilkil ng senador ang Department of Budget (DBM) at Department of Heath (DOH) hinggil sa hindi pa naibibigay na HEA ng healthcare workers, alinsunod sa batas.

Ang komite ni Go ang naging daan para sa mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan para ipahayag nila ang kanilang hinaing ukol sa hindi pa nila nakukuhang allowance.

Bukod dito, isa si Go sa nagsusulong ng Republic Act No. 11712 o ang Public Health Emergency Benefits and Allowances Act na mgbibigay ng mga benepisyo at iba pang allowance sa mga pampublikong manggagawa sa kalusugan sa bansa.

Ngunit sa ngayon, patuloy sa pakikibaka ang HCWs upang matanggap na ang nararapat nilang tanggaping benepisyo at allowance mula sa kanilang naging serbisyo sa panahon ng state of public health emergency dahil sa COVID-19 pandemic.

“Parati kong sinasabi, sila po ang hero ng panahon ng pandemya. Pinagserbisyohan na po nila ito, dapat po ay ibigay sa kanila kung ano po ang nararapat sa kanila. Hindi na sila dapat magmakaawa. Para sa kanila naman po iyon, ayon sa batas,” ayon kay Go.

Ibinahagi ni Go ang mga nakaaantig na kuwento ng HCWs mula sa kanyang mga pagbisita sa mga pasilidad ng pangangalagang pangkalusugan sa buong bansa, maging sa pakikipagtagpo niya sa Philippine Nurses Association Convention.

“May mga nurse na nakaalis na po ng bansa, iyong iba po’y namatay na, hindi pa nila nakukuha ‘yung kanilang HEA. Wala ba itong katapusan?” ang malungkot na sabi ni Go.

Ayon sa senador, hangga’t hindi nababayaran ang HEA ng HCWs ay hindi siya titigil sa pangangalampag sa mga ahensiya ng gobyerno, partikular sa DBM at DOH.

Nagsabi naman ang mga opisyal ng dalawang ahensiya na ginagawa na nila ang lahat para mailabas ang HEA ng HCWs.

Itoy bilang tugon sa pakiusap at panawagan ni Sen. Go para na rin sa kapakanan ng health care workers. RNT