Home METRO 4 Indonesian dinampot sa pagnenok ng pera sa P’que

4 Indonesian dinampot sa pagnenok ng pera sa P’que

MANILA, Philippines – Nahaharap sa kasong theft ang apat na Indonesian nationals matapos ireklamo ng kanilang katrabahong Malaysian national na nagnakaw ng kanyang pera sa loob ng kanilang opisina sa Parañaque City Linggo ng gabi, Agosto 11.

Kinilala ni Parañaque City police chief P/Col. Melvin Montante ang inarestong apat na suspects na sina alyas Reza, 28; Hendra, 34; Kepri, 30; at isang alyas Yoga, 23, kapwa mga lalaking empleyado sa isang corporate office sa Parañaque City.

Base sa report na isinumite ni Montante sa Southern Police District (SPD), naganap ang pagdakip sa mga suspects dakong alas 10:00 ng gabi sa kanilang corporate office na pinagtatrabahuhan na matatagpuan sa Barangay Tambo, Parañaque City.

Nauna dito ay inihayag ng 29-taong-gulang na biktimang Malaysian national na nakilalang si alyas Ting, pansamantala siyang bumaba ng gusali upang kunin ang kanyang ipinadeliver na pagkain at sa pagbalik sa cubicle na kanyang pinagtatrabahuhan ay nagulat na lamang siya na nasa puwesto na niya ang mga suspects kung saan kitang-kita niya si alyas Hendra na kinuha ang kanyang naiwan na perang nagkakahalaga ng ₱20,000 at pinagparte-partehan na ng mga ito.

Mabilis na humingi ng tulong ang biktima sa security personnel ng kumpanya na agad namang rumesponde at umaresto sa mga suspects matapos makuha sa kanilang posesyon ang perang pinagpartehan na tig-₱5,000.

Dinala sa Sub-Station 2 ng Parañaque City police ang mga suspects para sa pagdokumentasyon ng kasong isasampa laban sa kanila sa Parañaque City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)