Home METRO 4 patay, 11 sugatan sa araro ng trak sa lamay sa gilid...

4 patay, 11 sugatan sa araro ng trak sa lamay sa gilid ng kalsada

1
0

MANILA, Philippines – Patay ang apat katao habang 11 iba pa ang nasugatan matapos araruhin ng isang wing van truck ang isang lamay at ilang nakaparadang sasakyan sa gilid ng Maharlika Highway sa Sitio Tumpukan, Barangay Ibabang Palsabangon, Pagbilao, Quezon noong Lunes ng gabi.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng truck ang northbound lane nang umano’y makatulog ang 24-anyos na helper na siyang pinagmaneho ng sasakyan matapos ipasa sa kanya ng orihinal na driver ang manibela upang makapagpahinga ito.

Dahil dito, lumihis ang truck sa kabilang linya at dumiretso sa lamay sa tabi ng kalsada bago mabangga ang isang jeep, tatlong motorsiklo, dalawang traysikel, at iba pang kagamitan sa burol bago sumalpok sa isang puno.

Dalawa sa mga biktima ang namatay sa mismong pinangyarihan matapos maipit sa ilalim ng truck, habang dalawa pa ang idineklarang dead on arrival sa magkahiwalay na ospital dahil sa matitinding pinsala.

Sugatan naman ang siyam na iba pang nasa lamay, kabilang ang dalawang menor de edad, na agad isinugod sa ospital. Nagtamo rin ng minor injuries ang helper na nagmamaneho at ang orihinal na driver ng truck.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. Pinag-aaralan na rin ng lokal na pamahalaan ang paghihigpit sa pagtatayo ng mga lamay at iba pang pansamantalang istruktura malapit sa national highway, gayundin ang pagrepaso sa umiiral na speed limit sa bayan upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here