MANILA, Philippines – Patay ang apat na hinihinalang miyembro ng New People’s Army nang makasagupa ang mga tropa ng pamahalaan sa bulubunduking bahagi ng Malaybalay City at Brgy. Dumalaguing sa Impasug-ong, Bukidnon.
Ayon sa 403rd Infantry Brigade, nag-ugat ang engkwentro mula sa operasyon ng militar sa Saldab Complex kasunod ng report ng presensya ng mga armadong rebelde sa lugar.
Ang operasyon ay isinagawa sa pinagsanib na pwersa ng 3rd Scout Ranger Battalion, 1st Special Forces Battalion, 26th Infantry Battalion, 88th Infantry Battalion, 8th Infantry Battalion, at 4th Division Reconnaissance Battalion.
Bukod sa pagkasawi ng tatlong lalaki at isang babae, narekober din ng mga sundalo ang high-powered firearm kabilang ang iba pang “war materials”.
Dinala naman sa punerarya ang bangkay ng mga hinihinalang rebelde.
Nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa local government units, pulisya at iba pang ahensya para maipaalam sa mga pamilya ng mga nasawi ang nangyari at makapagbigay ng tulong sa pagpapalibing.
Sinabi naman ni Brigadier General Seigfred Tubalado, commander ng 403rd Brigade, na ang operasyon ay bahagi ng nagpapatuloy na hakbang para buwagin ang mga nalalabing armadong grupo sa Northern Mindanao. RNT/JGC