Home NATIONWIDE 4 suspek sa pagnanakaw sa Senado, nalambat sa Pasay

4 suspek sa pagnanakaw sa Senado, nalambat sa Pasay

1
0

PASAY CITY – Arestado sa ikinasang follow-up operation ng Pasay City Police ang apat na indibidwal na sangkot sa pagnanakaw ng mga kagamitan sa loob ng Senado ng Pilipinas. Nahuli ang mga ito habang nagsusugal at gumagamit umano ng ilegal na droga bilang pusta noong Linggo ng hapon, Agosto 2.

Kinilala ni Pasay City Police chief P/Col. Joselito De Sesto ang mga nadakip na suspek na sina alyas Itik, 31; alyas Beverly, 41; alyas Genie, 45; at alyas Leoven, 48.

Batay sa report na isinumite ni De Sesto kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Glenn Oliver Cinco, naganap ang pagdakip sa mga suspek ng mga tauhan ng Substation 1 (CCP Complex) bandang alas-3:15 ng hapon sa kahabaan ng New Road, Diokno Boulevard, Barangay 76, Pasay City.

Nag-ugat ang operasyon sa patuloy na pagsasagawa ng imbestigasyon sa kamakailang pagnanakaw ng mga kagamitan at office supplies na pagmamay-ari ng Congress TV Media ng IBC-13 sa loob ng Senado ng Pilipinas.

Tinugis ng mga imbestigador sina “Itik” at Beverly matapos silang positibong ituro ng isang saksi bilang mga indibidwal na umano’y nagbenta ng ilan sa mga ninakaw na gamit na naunang nabawi ng pulisya.

Bago pa man matunton ng mga awtoridad ang dalawa, nakatanggap ang pulisya ng impormasyon mula sa isang concerned citizen tungkol sa nagaganap na ilegal na sugal na cara y cruz sa kalapit na lugar. Agad itong bineripika ng mga awtoridad, na nagresulta sa pagdakip sa apat na suspek na naaktuhang nagsusugal.

Narekober ng mga awtoridad ang ₱500 na perang pustahan, iba’t ibang gambling paraphernalia, at dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 0.70 gramo at nagkakahalaga ng ₱4,760.

Batay sa imbestigasyon, lumitaw na ang hinihinalang shabu ay ginagamit umano bilang pusta sa naturang sugalan, dahilan upang madagdagan pa ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

Malaki rin ang naging ambag ng pagkakaaresto kina “Itik” at Beverly sa paglutas sa kaso ng pagnanakaw sa Senado dahil nagbigay ito ng panibagong hakbang sa pagpapatibay ng imbestigasyon sa insidente ng burglary at theft sa loob ng Senate compound.

“Akala nila makakatakas sila sa pananagutan, pero habang tinutugis sila ng pulisya, nahuli pa silang aktong lumalabag muli sa batas. Ang operasyong ito ay patunay na ang tiyaga sa imbestigasyon ay nagbubunga ng tagumpay. Walang ligtas na lugar sa Southern Metro para sa mga patuloy na gumagawa ng krimen,” ani Cinco.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1602 (Illegal Gambling–Cara y Cruz) at Section 13, Article II ng Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, sa Pasay City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan, Kathleen Calixtro, Eugie Alcoba, Geneva Ravina, Aerith Buyo, Gabrielle Ann C. Venus, Orianna Santero at Johndave Idaosos)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here