MANILA, Philippines – Gustong ipabawi ni Senador Panfilo Lacson sa Philippine Reclamation Authority (PRA) ang ilegal na reclamation ng Taguig City sa Laguna Lake.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na natuklasan ng kanyang staff ang karagdagang kababalaghan na kinasasangkutan ng mga ghost slope protection project at ilegal na reclamation sa ilang bahagi ng Laguna Lake.
Ayon kay Lacson, napatunayan ang natuklasan ng kanyang staff matapos ang kanyang pagpupulong nitong Lunes ng gabi sa mga opisyal ng Philippine Reclamation Authority (PRA), kabilang ang umano’y mga taktika ng pananakot na ginagamit ni Cayetano.
Iginiit din niya ang forfeiture ng ilegal na na-reclaim na lupa pabor sa pamahalaan.
“‘MALULUNOD SA KATOTOHAHAN’ … Our Taguig City case study has opened a ‘cauldron of worms’ after my meeting with Philippine Reclamation Authority officials last night—from ghost slope protection projects to illegally reclaimed tracts of land covering Laguna Lake,” aniya sa X.
Kilalang balwarte ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang Taguig City.
“Aside from the PRA and the Ombudsman, we will closely coordinate with the DPWH central office, LLDA and other concerned agencies not only to jail the crooks behind these grossly anomalous and patently illegal activities but also forfeit the already reclaimed Lakeshore areas in favor of the national government. There is no turning back!” dagdag niya.
Giit ni Lacson, kinumpirma ng mga opisyal ng PRA ang pangha-harass umano ni Cayetano noong tinalakay ang budget ng Office of the President noong Nobyembre 2025. Ang PRA ay nasa ilalim ng OP.
“The same officials likewise disclosed physical intimidation when they conducted on site inspection along C6 in the Lakeshore area where the illegal reclamation activities are taking place,” dagdag niya.
Noong nakaraang weekend, binanggit ni Lacson ang mga ebidensiyang nag-uugnay kay Cayetano sa mga reclamation project sa lakeshore development ng Taguig na umano’y walang kinakailangang mga permit mula sa mga ahensiya ng gobyerno, kabilang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ang mga proyektong ito ay pinondohan gamit ang mga alokasyon sa pambansang badyet na inilaan para sa mga slope protection project.
Noon ding panahong iyon, sinabi ni Lacson na ang mga resource person na may kaalaman sa mga naturang proyekto ay hinaras at tinakot, lalo na sa mga pagdinig ng komite.
Noong nakaraang linggo, isinumite nina Lacson at ng kanyang grupo sa Office of the Ombudsman ang mga ebidensiyang kanilang nakalap mula sa hindi bababa sa limang case study hinggil sa mga maanomalyang proyektong pang-imprastraktura sa Taguig City.
Ayon kay Lacson, ipinakikita ng mga ebidensiya na halos kontrolado ni Cayetano ang mga operasyon ng DPWH at iba pang kaugnay na aktibidad sa Taguig City, kung saan napapalitan umano ang mga district engineer kapag kumikilos ang mga ito nang walang kanyang pag-apruba. Lumilitaw rin sa mga ebidensiya ang posibleng 33-porsiyentong kickback scheme sa mga proyektong pang-imprastraktura sa lungsod. (Ernie Reyes)