Home NATIONWIDE 400 NPA nalagas sa 1st Quarter ng 2024 – NTF-ELCAC

400 NPA nalagas sa 1st Quarter ng 2024 – NTF-ELCAC

Manila, Philippines – Nalagasan na ng mahigit 400 miyembro ang New People’s Army (NPA) na armadong grupo ng Communist Party of the Philippine mula January hanggang March ng taon na ito, ayon sa ulat ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict nitong Lunes.

Sa virtual na balitaan, sinabi ni NTF-ELCAC Executive Director, Undersecretary Ernesto Torres, Jr. na ito ay sa kabila ng ‘disinformation campaign’ ng mga rebelde na may presensya pa sila sa mga ibang malalayong lugar o probinsiya.

Para kay Torres, ginagawa na lang ng CPP-NPA ito dahil unti-unti nang nagagapi ng tropa ng pamahalaan ang pwersa ng mga rebelde at sinisikap naman ng NTF-ELCAC na mapasuko na lang ang iba pang NPA sa pamamagitan ng amnestiyang inialay ni Pangulong Bong Bong Marcos para bigyan-daan ang kapayapaan at kaunlaran sa mga lugar na dating pinepeste ng CPP-NPA-NDF.

Ani Torres, kadalasan, mas napapaslang ang mga miyembro ng NPA sa kanilang pangliligalig sa mga lugar na nakuha na ng NTF-ELCAC ang simpatiya ng kanilang taga-suporta sa pamamagitan ng pagbababa ng mga serbisyo ng pamahalaan.

Ginagawa na lamang ng NPA ang mga ito upang palitawin na ang kanilang pwersa ay malakas pa, at para sa paparating na anibersaryo ng kanilang samahan sa March 29.

Ngunit, imbes na mapagtagumpayan, ang mga engkwentro ay nagreresulta lang sa kamatayan ng ibang NPA members at ang pagsuko naman ng ilan sa kanila. Kasama na rito ang pagkumpiska ng matataas na kalibre ng baril, pampasabog atbp. gamit sa kanilang mga guerilla operations.

“Right now, we have a zero active guerrilla fronts but we still have 11 weakened guerrilla fronts- five in Luzon, three in the Visayas and another three in Mindanao- but as we speak now, meron ng mga submission for the eventual total dismantling of two guerrilla fronts in the Visayas and another one in Mindanao,” paliwanag ng NTF-ELCAC opisyal.

“So very soon hinihintay na lang natin yung official validation nung dismantling of this three weakened guerrilla fronts, we would be making that an announcement,” dagdag pa ni Torres.

Ayon kay Torres mayroon na lang na tinatayang 1,100 miyembro ang NPA sa kasalukuyan, kabilang na ang mga bago nilang ‘recruit’, kung mayroon man.

Katunayan aniya, sa Ilocos, Zamboanga Peninsula, at Davao Regions, nagdeklara na ang mga lugar na ito na sila ay & insurgency-free’ na.

Kasama na rito ang Surigao del Norte na noong March 15, 2024 lamang nagdeklara.

Ito raw ay bunga ng sama-samang pagkakaisa ng mga mamamayan, sundalo, lider ng mga komunidad, at mga opisyal ng pamahalaan sa paglaban sa mga CPP-NPA-NDF upang bigyan daan ang kapayapaan at kaunlaran. RNT

Previous articleDavao police blangko sa kinaroroonan ni Quiboloy
Next articleP44.7M tax evasion case laban sa pork barrel queen, ibinasura ng CTA