Home OPINION 400 PATAY AT BAHA SA PINAS

400 PATAY AT BAHA SA PINAS

SA bansang Afghanistan, may mahigit sa 300 patay nitong nagdaang mga araw, bukod pa sa nasa 100 nitong kalagitnaan ng Abril dahil sa mga pagbaha.

Flashflood ang pinakahuling pangyayari na hindi gaanong napaghandaan ng marami.

Naganap ang biglaang pagbaha dahil sa siyam-siyam na ulam.

Bukod sa mga namatay karaniwan sa lunod, libo-libong bahay rin ang nilubog o lubos na sinira ng mabilis na ragasa ng tubig patungo sa mga mababang lugar.

Sa bilang ng World Food Program, may 2,011 bahay ang ganap na nawasak habang may 2,800 ang bahagyang nasira naman.

Kabilang sa mga sinalakay ng biglaang baha ang  Baghlan, Takhar, Badakhshan at mga lalawigan ng Ghor and Herat.

STATE OF EMERGENCY

Dahil sa pangyayari, nagdeklara na ang pambansang pamahalaan ng Afghanistan ng state of emergency kaya naman, lahat na ng pwersa ng pamahalaan ay kumikilos na para tulungan ang mga biktima.

Mga pagkain, gamot at iba pa ang dinadala sa mga biktima at kasama sa mga umaalalay sa kanila ang WFP na isang ahensya ng United Nations.

Mula sa mga baha sa nakaraang buwan hanggang ngayon, sinasabing sira na ang pinakamalaking bahagi ng agrikultura ng bansa.

Sa 40 milyong populasyon nito, 80 porsyento ang mga magsasaka at naghahayupan.

Sila ang pangunahing biktima ng kasiraan sa buhay at ari-arian.

Kung tutuusin umano, hindi pa talaga nakababangon ang mga Afghan mula sa 20 taong giyerang inilunsad ng United States laban sa mga kaaway nito sa nasabing bansa.

At andito naman ang climate change umano na isang mabigat na problemang pinapasan nito.

Isa naman sa mga pinagmumulan ng matinding baha ang basang lupain na hindi pa natutuyo dahil sa taglamig na may kasamang ulan.

Walang sumisipsip na tuyong lupa sa mga bumubuhos na ulan.

GOOBYE EL NIÑO, WELCOME LA NIÑA

Sabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Admistration, malapit nang matapos ang El Niño, sa Hunyo umano at hindi sa Agosto.

Papalit naman umano ang La Niña.

Kapag pinagsama ang La Niña at tag-ulan, katakot-takot na ulan ang darating sa atin.

Ulan na dala ng mga bagyo at dala ng karaniwang tag-ulan.

Baha, landslide at iba pa ang tiyak na darating naman sa atin sa ganyang kalagayan.

Mga paghahanda, nasaan na ba?

DANGER ZONES

Ngayon pa lang, dapat muling tukuyin ang mga danger zone na karaniwang sinasalakay ng mga baha, landslide at storm surge o tsunami.

Kasama riyan ang mga tabing-ilog, tabing bundok, tabing dagat at iba pa.

Paano ba ang mga permanenteng relokasyon sa mga binunot na pamilya mula sa mga lugar na ito?

Kinukumusta natin ito, mga Bro, dahil pinupulitika ang mga ito.

Kung minsan, ayaw paalisin mismo ng isang administrasyong lokal ang mga ito dahil sa malaking boto sa eleksyon na nakukuha sa mga ito.

Sinisilip na lang ang sistemang in-city o in-town relocation para masiguro nila ang mga botante mula sa mga ito, lalo’t malapit na naman ang halalang 2025.

Pero sa pangkalahatan, mga Bro, nakahanda na ba ang lahat na lumangoy sa baha at kalamidad, lalo na sa krisis at paghihirap na dala ng tag-ulan at La Niña?