Home OPINION PULITIKA AT TAG-ULAN, LA NIÑA

PULITIKA AT TAG-ULAN, LA NIÑA

MALAPIT na ang pagpa-file ng kandidatura para sa eleksyon sa Mayo 2025 na para sa senador pababa hanggang sa konsehal ng bayan.

Gaganapin ang filing ng certificate of candidacy sa Commission on Elections sa darating na Oktubre 2024.

Kahit malalayo pa ang eleksyong Oktubre 2024 at Mayo 2025, mga Bro, nagliliyab na ang pulitika.

Muling nagaganap ang mga katakot-takot na siraan, maniobrahan sa agawan sa partido o pagsasama-sama ng mga magkakampi at pagsipa sa mga kaaway, pagsasampa ng mga kaso ng mga magkakalaban upang mabilanggo ang isa’t isa at iba pa.

Hindi nakapagtatakang anomang araw, may mga magpapatayan bilang pinakamabisa ng pagwawagi dahil sa kawalan na ng kalaban at ang buhay ang tiyak na kakandidato at mananalo.

Pero kakambal ng pulitika ang paghahanda na laban sa darating na tag-ulan at La Niña para magkapera at makakabig ng boto.

Gayunman, para sa iba, may pulitika man o wala, dapat na paghandaan ang tag-ulan at La Niña dahil sa parating lagi ng mga ito sa labis na kasiraan sa buhay at ari-arian.

Kakambal kasi ng tag-ulan ang mga bagyo, baha, landslide at iba pa na kung kumitil ng buhay at sumira sa ari-arian ay gayun na lamang.

Nauna nang naiulat ang paghahanda nina Bulacan Governor Daniel Fernando at Pampanga Gov. Dennis Pineda sa anyo ng paglilinis, pagpapalalim at pagtatanggal ng mga bara sa mga ilog at iba pang daluyan ng mga tubig para mabawasan ang nakamamatay at nakasisirang pagbabaha.

Ngayon naman, kumikilos na rin ang Marikina City sa ilalim ni Mayor Marcy Teodoro, lalo na sa pagpapalapad at pagpapalalim ng Marikina River.

Nagbabawas na umano ng baha ang Marikina dahil sa pagpapalapad ng 100 metro at pagpapalalim ng 20 metro sa Marikina River.

Kamusta naman kaya ang iba pang mga local government unit na naghahanda na laban sa mapaminsalang pwersa ng kalikasan sa tag-ulan at La Niña, may pulitika man o wala?