Home OPINION PINIPILI ANG PILIPINAS

PINIPILI ANG PILIPINAS

NAPAKAHUSAY nang inilabas ni Vice Ganda na music video tungkol sa pagiging makabayan.   Sa saliw ng kanta ni Angeline Qunito na “Piliin Mo Ang Pilipinas”, ni Meme Vice ang pinaka-latest na challenge sa social media platform ng TikTok.

Nag-umpisa sa iba’t-ibang damit at hitsura ng make-up, makulay at masigla ang unang bahagi ng tiktok video, talaga namang mapasasayaw ka at magka-LSS o last song syndrome.   Kahali-halina or “very catchy” rin naman talaga ang kumpas at tyempo ng kanta.   Ang orihinal at sumikat na mga video nito ay nagpapakita ng mga magagandang tanawin at mga lugar panturismo sa bansa.

Pero ang nakatawag pansin ay ang ikalawang bahagi ng music video.   Habang nakasuot kasi ng isang magarbo at kumikinang na puting damit na meron mga dekorasyong perlas, inilagay sa background ang mga malalaking isyu sa Pilipinas.  Ang pahirap na trapik sa mga komyuter, ang laban ng mga drayber sa jeepney phaseout, ang kontrobersyal na Torre de Manila sa likod ng monumento ni Rizal sa Luneta at ang pagkasira ng Chocolate Hills sa Bohol.

Pinasaringan din sa video ni Meme Vice ang isyu sa West Philippine Sea at nagdrama siya kunwari na tinamaan ng water cannon habang nakasakay sa barko ng Philippine Coast Guard. Sa huli, nahandusay siya sa buhangin at kitang-kita ang kanyang hirap para hawakan at iwagayway ang bandila ng Pilipinas.

Napakagandang mensahe.   Kahit gaano ka kahirap mahalin at ipaglaban, pipiliin pa rin kita, Pilipinas.   Mahal na mahal kita Pilipinas, kahit parang nakapapagod na mahalin ka.   Sa harap ng mga pasakit at hamon dito sa bansa ko, iwawagayway ko pa rin ang aking pagka-Pilipino.

Ginamit ni Meme Vice ang kanyang kasikatan para ipaalala sa ating lahat na dapat ay mulat tayo at hindi bingi sa mga problem na hinaharap natin sa pamilya at sa lipunan.  Kailangan maging matibay at manindigan.

Iyan ang tunay na Pilipino.  Pinipili ang Pilipinas.