MANILA, Philippines- Idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang special non-working days sa limang lokalidad sa bansa.
Nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang holiday declarations, base sa media release mula sa Presidential Communications Office nitong Linggo.
Inisyu ni Marcos ang Proclamation No. 693, na nagdedeklara sa Biyernes, Oktubre 4, 2024, na isang special non-working day sa Infanta, Pangasinan para sa 148th Founding Anniversary nito.
Nagpalabas din ang Pangulo ng parehong deklarasyon sa pamamagitan ng Proclamation No. 694 para sa Lapuyan, Zamboanga del Sur, para sa pagdiriwang ng 67th Founding Anniversary sa Miyerkules, Oktubre 16, 2024; at sa pamamagitan ng Proclamation No. 695 para sa Negros Oriental para sa pagdiriwang ng Buglasan Festival sa Biyernes, Oktubre 25, 2024.
Gayundin, idineklara ng Proclamation No. 696 ang Sabado, Oktubre 26, 2024 na special non-working day para sa Angeles City, Pampanga, upang bigyang-daan ang pagdiriwang ng Tigtigan Terakan Keng Dalan Festival, ang paggunita sa pagbangon ng lugar mula sa pagsabog ng Mt. Pinatubo noong Hunyo 1991.
Sa Proclamation No. 697, idineklara ng Pangulo ang Lunes, Oktubre 28, 2024, na isang special non-working day sa munisipalidad ng Dingle, Iloilo. Sinabi pa ng Chief Executive na bibigyang-daan nito na makalahok ang mga residente ng Dingle sa paggunita sa Cry of Lincud, ang unang deklarasyon ng rebolusyon laban sa Espanya sa lalawigan ng Iloilo at sa Panay island. RNT/SA