Home METRO 5 NPA, 1 MILF arestado sa Sultan Kudarat

5 NPA, 1 MILF arestado sa Sultan Kudarat

ISULAN, Sultan Kudarat – NAARESTO ng mga awtoridad ang limang kasapi ng rebeldeng New People’s Army (NPA) at isang wanted na miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa magkahiwalay na operasyon nitong Huwebes, Agosto 3 sa lalawigang ito.

Kinilala ni Col. Christopher Bermudez, Sultan Kudarat provincial police director, ang mataas na kasapi ng NPA Daguma Command, FarSouth Mindanao Region na sina Pinge, 37; Hali, 65; Henry Ugis, 25; Antis Ugis, 18; at Plag Ugis, 37.

Sa bisa ng warrant of arrests sa mga kasong pagpatay, frustrated murder at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 nadakip ang limang NPA bandang 3:00 PM sa Sitio Bagang-Bagang, Barangay Lagubang, Sen. Ninoy Aquino, Sultan Kudarat.

Ayon kay Berrmudez na ang limang rebelde ay pangunahing suspek sa pagpatay sa mga miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) na sina Richard Panganuron, Nonoy Kalay Lapi, at Egme Salaman Watamama sa parehong bayan noong buwan ng Enero.

Habang nadakip naman ang miyembro ng MILF na si Bassir Naga, 41, ng Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur sa kasong double murder at multiple attempted murder.

Sinabi ni Bermudez na si Naga ay nasa ika-7 most wanted person ng Police Regional Office-Soccsksargen Region.

Nadakip si Naga habang bumibiyahe ng tricycle bandang 2:00 PM sa Barangay Kalawag 2.

Itinuturo rin sangkot si Naga sa pagpatay kay ABC prexy Norhato Sanday ng Barangay Udtong, Lambayong. Mary Anne Sapico