Home NATIONWIDE 5 puganteng dayuhan nalambat sa tangkang pagtakas

5 puganteng dayuhan nalambat sa tangkang pagtakas

MANILA, Philippines- Ibinahagi ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa Philippine National Police (PNP) na may lead sila sa mga facilitator ng tangkang pagtakas ng limang Chinese fugitives sa pamamagitan ng southern sea ng bansa.

Ang limang pugante na kinilalang sina Ying Guanzhen, 31; Yang Jinlong, 29; Liu Xin, 28; Shen Kan, 36; at Luo Honglin, ay inaresto noong Marso 22 sa Zamboanga ng magkasanib na pwersa ng intelligence division ng BI at fugitive search unit alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang seguridad sa hangganan at paigtingin ang mga operasyon laban sa mga ilegal na dayuhan.

Ayon sa BI, noong Abril 8 ay inilipat sila sa Maynila para harapin ang mga kasong deportasyon na isinampa laban sa kanila.

Ibinunyag ng BI na ang lima ay dating nauugnay sa Lucky South 99, isang kompanya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na ni-raid dahil sa umano’y ilegal na aktibidad.

Ayon sa mga ulat mula sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR), nagsagawa ng joint rescue operation ang PNP Provincial Mobile Force Company (PMFC) at Languyan Municipality Police Station sa isang maliit na speedboat na bumibiyahe mula Parang Jambatan, Jolo noong Marso 21.

Gayunman, pagdating sa territorial waters ng Brgy. Sikullis, Languyan, Tawi-Tawi ang bangka ay nagtamo ng pinsala dahilan upang hindi ito gumana. Sa pagsagip, natagpuan ng mga opisyal ang mga Chinese national na sakay, kasama ang tatlong Pilipinong lalaki.

Lahat ng walong indibidwal ay dinala sa Languyan Municipal Police Station para sa dokumentasyon.

Sa pakikipag-ugnayan sa BI ng PNP intelligence group, regional intelligence unit 15, nakumpirma na ang limang dayuhan ay mga blacklisted na indibidwal na nagtangkang tumakas sa pag-aresto at pagpapatapon sa pamamagitan ng paglalakbay sa backdoor area ng bansa.

Gumamit umano ng ‘transporter’ ang lima para makaiwas sa mga awtoridad. Ang ‘transporter’, ayon sa mga lokal, ay isang indibidwal na nagpapadali sa iligal na paglalakbay ng mga tao mula sa Pilipinas patungo sa mga karatig bansa.

Matatandaang kamakailan ay inaresto ng PNP si alyas ‘Fiona’ na nagsilbing transporter ng mga biktima ng trafficking na umalis sakay ng bangka patungong Sabah, at pagkatapos ay inilipat sa mga scam hub sa Myawaddy, Myanmar.

Nang tanungin ng PNP, sinabi ng mga Filipino transporter na sila ay mga boatman lamang na inutusang magserbisyo sa mga pasahero sa mga hangganan. Hindi raw nila alam na Chinese national ang mga pasahero nila.

Idinagdag ng mga boatman na kilala lang nila ang kanilang contact bilang isang ‘batman’, at hindi alam ang kanyang pangalan.

Ang mga ulat na natanggap ng BI ay nagsasaad din na ang PNP ay nag-iimbestiga ng mga kahina-hinalang berdeng sangkap na natagpuan din sa pinangyarihan, na nagpapahiwatig ng isang posibleng kalakalan sa droga.

Nagpasalamat si Viado sa lokal na pulisya sa kanilang pagbabantay, na humantong sa matagumpay na pagharang.

Lahat ng lima ay inilipat sa holding facility ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig. JAY Reyes