Home NATIONWIDE 50 pang Pinoy sa Israel pauuwiin ng DMW

50 pang Pinoy sa Israel pauuwiin ng DMW

MANILA, Philippines- Aabot sa 50 pang overseas Filipino workers sa Israel ang nakatakdang pauwiin sa Mayo 9, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sinabi ni DMW Officer-in-Charge Hans Cacdac na nag-sign up sila para sa repatriation bago naglunsad ang Iran ng retaliatory attack sa Israel noong weekend.

Aniya, bukas ang gobyerno sa pag-accommodate ng mas maraming OFW na gustong mapauwi.

Hindi pa nakatatanggap ang embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv ng emergency repatriation request dahil sa mga pag-atake ng Iran sa Israel, ayon sa Department of Foreign Affairs.

“Other than normal routine repatriations, kasi nawalan na ng trabaho, wala nang employer ‘yung kababayan natin… No Filipino has requested for repatriation dahil natatakot sila sa rockets ng Iran. No similar requests for emergency repatriation from our embassy in Tehran in Iran,” ani DFA Assistant Secretary Robert Ferrer Jr. sa House Committee on Overseas Workers Affairs sa briefing nitong Huwebes.

“My own personal investigation is that Filipinos in Israel are safe and they are calm. Even before and during the events last weekend, they were safe, calm and ready. When we had townhall last Tuesday night, they all expressed their view that they are safe where they are. However, they were also interested to know the details of the contingency plan as presented to them and the available assistance package to be given to them when they arrive home,” ayon naman kay Cacdac sa panayam sa media.

Tiniyak ng DFA, DMW at iba pang kaugnay na ahensya ng gobyerno sa House panel na may mga contingency plan na nakalagay upang tumugon sa overseas Filipinos sa Middle East sakaling sumiklab ang digmaan kasunod ng pag-atake ng Iran.

Sinabi ng DFA na ang plano ay naipalaganap na sa mga Filipino community sa mga lugar na ito. Ngunit ito ay pinananatiling “confidential” mula sa pangkalahatang publiko sa ngayon upang makatulong sa pag-secure ng exit routes.

Mahigit 800 overseas Filipino workers ang naiuwi sa bansa mula noong sumiklab ang digmaang Israel-Gaza noong Oktubre ng nakaraang taon.

Samantala, ikinabahala naman ang Migrante International ang emergency hotline para sa mga Pilipino sa Israel, na sinasabing hindi palaging naa-access batay sa mga ulat na kanilang natanggap mula sa mga miyembro. Humingi ng paumanhin ang isang opisyal ng Philippine Embassy sa Israel kung nangyari ang naturang insidente, ngunit sinabing ang helpline ay gumagana 24/7.

Idinagdag niya na may iba pang paraan para makipag-ugnayan sa embahada ng PH sa Israel, kabilang ang social media page nito at sa pamamagitan ng mga Filipino community leaders.

Mayroong humigit-kumulang 30,000 Pilipino sa Israel at humigit-kumulang 2,000 Pilipino sa Iran. Jocelyn Tabangcura-Domenden