Home NATIONWIDE Sa gitna ng dumaraming kaso, DOH sa publiko: Magpabakuna vs tigdas

Sa gitna ng dumaraming kaso, DOH sa publiko: Magpabakuna vs tigdas

MANILA, Philippines- Nababahala at nakaalerto ang Department of Health (DOH) dahil nakikita ang week-on-week upward trend ng mga kaso ng tigdas, kung saan naitala ang 1,627 kaso mula Enero 1 hanggang Abril 6– limang beses na mas mataas kaysa 308 kaso noong 2023.

Idineklara na ang outbreak sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may 48% sa kaso ng tigdas sa bansa, ayon kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo.

“Kami ay nababahala, so alerto kami dito. Hindi kami naaalarma kasi ‘pag sinabi nating alerto, alam nating may magagawa pa. This is going up, pero pag wala tayong ginawa, ‘pag di tayo nagbakuna, doon tayo magkakaproblema,” sabi ni Domingo sa sa isang panayam.

“Kumpara sa COVID-19, kumpara sa tusperina o sa pertussis, mas mabilis po makahawa ang measles. Ninety percent… ng mga taong nakapaligid sa isang pasyenteng may measles, pag sila ay hindi bakunado ay maaaring mahawa,” dagdag pa nito.

Ayon kay Domingo, ang rashes sa tigdas ay magsisimulang lumabas sa mukha pababa sa ibang parte ng katawan.

Ngunit, ang iba pang alalahanin sa pagkakaroon ng tigdas ay ang komplikasyon na kaakibat nito, lalo na kapag malala, na kinabibilangan ng pneumonia at encephalitis– o ang pamamaga ng utak– na maaaring nakamamatay.

Payo ni Domingo, ang pagbabakuna ang mabuting paraan upang maiwasan ang tigdas kasabay ng pagsunod sa respiratory hygiene, pananatili sa bahay kapag masama ang pakiramdam at pagkonsulta sa doktor kapag may sintomas.

Tiniyak din niya na may sapat na suplay ng bakuna para sa nationwide routine childhood immunization sa health centers at sa public schools at para sa outbreak response sa BARMM.

Sa nasabing rehiyon, 944,595 sa 1.3 milyong target na bata ang nabakunahan noong Abril 16.

Ang DOH ay may imbentaryo na 3.7 milyong dosis ng 3-in-1 measles-mumps-rubella (MMR) vaccines at 1.7 milyong dosis ng 2-in-1 measles-rubella vaccine noong Abril 17, sabi ni Domingo.

Umorder ang DOH ng karagdagang mga dosis ng bakuna sa MMR– 5.7 milyon sa Hunyo at Hulyo, isa pang 5 milyon sa ikatlong quarter, at 1.4 milyon sa ika-apat na quarter.

Samantala, pinabulaanan ni Domingo ang mga pahayag na ang tigdas ay katulad ng “bulutong-tubig” o chickenpox.

“Meron tayong misconception na ang tigdas ay parang bulutong-tubig na hinahawa lang at kumbaga kasama sa paglaki. Hindi po ganoon ang tigdas. Ang tigdas po ay nakamamatay kapag hindi naiwasan,” paliwanag niya.

“Kami po naman ay hindi nananakot. Nagpapaalala lang po na gawin natin ang kaya nating gawin sa tulong ng ating mga doktor, ng DOH na nariyan naman ang mga bakuna para maiwasan ang tigdas,” dagdag pa niya. Jocelyn Tabangcura-Domenden