MANILA, Philippines — Naglabas ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa regional director ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Davao City kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects sa lugar.
Inatasan ang opisyal na humarap sa NBI sa Huwebes, Setyembre 24, at magsumite ng mga dokumentong may kaugnayan sa 51 flood control projects na iniimbestigahan ng ahensya.
Nauna nang sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na nakatanggap ang ahensya ng mga dokumento hinggil sa dose-dosenang flood control projects sa Davao City na pinaghihinalaang “ghost” o substandard.
Ayon kay Matibag, 47 sa 100 proyekto sa isang distrito ang unang nakitaan ng posibleng “red flags,” ngunit nilinaw niya kalaunan na anim lamang sa 47 ang maituturing nilang malinaw na problematiko sa paunang pagsusuri.
Bahagi ng imbestigasyon ng NBI ang pagkuha ng mga rekord at impormasyon mula sa DPWH upang matukoy kung may iregularidad sa pagpaplano, kontrata at pagpapatupad ng mga proyekto.
Wala pang pinal na konklusyon ang NBI hinggil sa pananagutan ng sinumang opisyal o contractor habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT