Home NATIONWIDE 51 raliyista sa SONA, arestado sa vandalism, pagtatakip ng mukha — PNP

51 raliyista sa SONA, arestado sa vandalism, pagtatakip ng mukha — PNP

1
0

MANILA, Philippines — Inaresto ng pulisya ang 51 indibidwal sa mga protestang kaugnay ng ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes dahil sa umano’y paninira ng gusali at paglabag sa mga batas at lokal na ordinansa, ayon sa Philippine National Police.

Sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na may legal na batayan ang mga pag-aresto dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, Batas Pambansa Blg. 880 o Public Assembly Act, at mga lokal na ordinansang nagbabawal sa pagtatakip ng mukha.

“We have a reason to have a valid arrest and they were accosted because of violations of ordinances and special laws, particularly RA 9003, BP 880, and local ordinances, lalo na ‘yung magtatakip ng mukha,” ani Nartatez Jr.

“Bawal naman magtatakip ng mukha lalo na ‘yung nangyari noong September last year. Ayaw natin payagan na sila pa ay magpatuloy na manggulo dyan sa kalsada and maapektuhan of course ‘yung tahimik na nagpo-protesta,” giit pa niya.

Sa video na nakuha ng Quezon City Police District, makikita ang ilang indibidwal na nakasuot ng itim at balaclava habang ini-spray paint ang mga salitang “sindikato” at “corruption” sa pader ng isang electric distribution utility company sa Commonwealth Avenue.

Una nang iniulat ng QCPD na hindi bababa sa limang indibidwal ang dinala sa himpilan ng pulisya para sa pagtatanong, ngunit kalaunan ay sinabi ni Nartatez na umakyat sa 51 ang bilang ng mga inaresto.

“Hindi pa tapos, baka meron pa mag-violate doon. Buti pa doon sa kagabi, 10 p.m. to 2 a.m., napakatiwasay naman nung aktibidades ng ating mga kapatid na Iglesia Ni Cristo so ganun din sana,” dagdag pa niya.

Hindi pa natutukoy ng pulisya kung kabilang sa alinmang grupong may permit para magdaos ng rally sa SONA ang mga inaresto.

Sinabi ni QCPD director Brig. Gen. Randy Glenn Silvio na batid ng mga organizer ang mga ipinagbabawal na gawain na nakasaad sa kanilang memorandum of understanding sa mga awtoridad.

“Alam naman nila sa MOU, alam naman ng lahat ng organizer kung ano ang bawal at hindi. Katulad diyan, may gumawa na sa kanila. Check din natin sa leaders kung member pa nila ‘yun,” ani Silvio.

Hanggang alas-4:33 ng hapon, 34 sa 51 inarestong raliyista ang nasa loob ng bus ng Bureau of Jail Management and Penology sa Camp Karingal. Ayon sa isang abogado ng SENTRA/National Union of Peoples’ Lawyers, 13 sa mga inaresto ay menor de edad.

Sa kabila ng mga pag-aresto, sinabi ni Nartatez na nanatiling epektibo ang seguridad para sa SONA dahil sa ilang buwang pagpaplano at koordinasyon ng mga yunit ng pulisya at Quezon City government.

“We have a good preparation. One year na nga ito—do’s and don’ts and what went well and what went wrong last year, ‘yun lang ang ini-implement namin,” ayon pa sa kanya.

Humigit-kumulang 20,000 pulis ang ipinakalat sa buong bansa para sa seguridad ng SONA at mga kaugnay na kilos-protesta. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here