Home OPINION 5,512 HIRED-ON-THE-SPOT AT BILYON HALAGANG TULONG NAIPAMAHAGI NG DOLE SA ARAW NG...

5,512 HIRED-ON-THE-SPOT AT BILYON HALAGANG TULONG NAIPAMAHAGI NG DOLE SA ARAW NG PAGGAWA

Ipinamahagi ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang tulong-pangkabuhayan at sahod sa ilalim ng emergency employment program nito noong Mayo 1.

Ang ginanap na payout sa buong bansa sa ilalim ng prog­rama ng pamahalaan na Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) sa Araw ng Paggawa ay nagkakahalaga ng P3.363 bilyon sahod para sa 673,519 benepisyaryo.

Bukod sa pasuweldo sa TUPAD, namahagi rin ng tulong-pangkabuhayan na nagkakahalaga ng kabuuang P699 milyon sa 35,311 vulnerable at marginalized na manggagawa sa buong bansa.

Kabilang sa tulong-pangkabuhayan na iginawad sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) ay para sa pag-   aalaga ng kambing, food and beverage cart, gamit sa pananahi, at gamit pang-agrikultura.

Nagsagawa rin ng skills showcase ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) bilang bahagi ng mga aktibidad sa Araw ng Paggawa. Nag-organisa rin ng KADIWA ng Pangulo fairs sa 103 lugar sa buong bansa para ilapit ang mga serbisyo ng pamahalaan at abot-kayang lokal na produkto sa mga manggagawang Pilipino.

Mahigit 5,500 aplikante ang agad nakahanap din ng trabaho sa ginanap na Araw ng Paggawa job fair sa buong bansa.

Batay sa mga ulat mula sa rehiyon noong Mayo 3, mayroong 5,512 naghahanap ng trabaho na pumunta sa 97 job fair sites sa mga lalawigan sa buong bansa ang na-hire-on-the-spot. Karamihan sa kanila ay natanggap para sa mga posisyong tulad ng service crew, cashier, sales associate, production operator, sales clerk, production crew, online teacher at kasambahay.

Ang mga paunang bilang ay madaragdagan pa dahil ang isinasagawang job fair ay tatagal hanggang Mayo 9 sa mga piling lugar.

Ipinahayag ni Kalihim Bienvenido E. Laguesma na isinagawa ng kagawaran ang Araw ng Paggawa job fair sa bawat lala­wigan upang mailapit ang mga oportunidad sa trabaho sa mga manggagawang Pilipino sa rehiyon.

May 2,839 employer na lumahok ang nag-alok ng 235,246 trabahong lokal, samantalang 166 employer ang nag-alok ng 62,431 na trabaho sa ibang bansa.

Naglagay rin sa job fair site ng one-stop-shop ng mga serbisyo ng pamahalaan, kung saan 2,756 aplikante ang nabigyan ng skills enhancement training; 3,106 ang napagkalooban ng tulong-pangkabuhayan; at 821 ang nabigyan ng oportunidad na mag-negosyo.

May kabuuang 10,843 na naghahanap ng trabaho ang na­bigyan ng serbisyo mula sa Social Security System, Phi­lippine Health Insurance Corporation, at Pag-IBIG Fund.

Ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa ngayong taon ay may temang, “Sa Bagong Pilipinas: Manggagawang Pilipino, Kabalikat at Kasama sa Pag-asenso.