Manila, Philippines — Inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) ang kabuuang 57,689 na aplikante para sa Local Absentee Voting (LAV) para sa nalalapit na Mayo 2025 National at Local Elections.
Batay sa datos mula sa Committee on Local Absentee Voting, kinabibilangan ng mga aprubadong aplikante ang mga miyembro ng media, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at mga empleyado mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Pinakamalaki ang bilang ng mga aprubadong LAV voter mula sa AFP na umabot sa 29,030, na binubuo ng 26,626 lalaki at 2,404 babae. Sa bilang na ito,
-26,024 ay mula sa Philippine Army,
-2,908 mula sa Philippine Air Force, at
-98 mula sa Philippine Navy.
Sumunod naman ang PNP na may 23,448 aprubadong botante—18,072 lalaki at 5,376 babae.
Samantala, may kabuuang 1,005 miyembro ng media ang aprubado para sa LAV, na kinabibilangan ng 524 lalaki at 481 babae.
Itinakda ng Comelec ang mga sumusunod na lugar ng pagboto para sa media:
-NCR-based media: boboto sa Office of the Regional Election Director (ORED) ng NCR.
-Media sa mga highly urbanized cities sa labas ng NCR: boboto sa kani-kanilang Provincial Election Supervisor (PES) office.
-Media sa ibang lugar: boboto sa Offices of the Election Officer (OEO).
Bukod dito, kabilang din sa mga aprubadong botante ang:
-Department of Education (DepEd) – 1,290 botante
-COMELEC personnel – 922 botante
-Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) – 707 botante
Ang pagboto para sa LAV ay isinasagawa mula Abril 28 hanggang Abril 30, 2025, sa loob ng kani-kanilang mga opisina.
Binigyang-diin ng Comelec na layunin ng mekanismong ito na siguraduhing makaboboto pa rin ang mga essential service workers—gaya ng mga miyembro ng security forces, mga kawani ng pamahalaan, at mga akreditadong miyembro ng media—na hindi makadadalo sa regular na botohan dahil sa kanilang tungkulin sa mismong araw ng halalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden