Home NATIONWIDE Halos 80,000 Filipino abroad, enrolled na sa overseas voting 

Halos 80,000 Filipino abroad, enrolled na sa overseas voting 

Manila, Philippines — Umabot na sa humigit-kumulang 80,000 overseas Filipinos ang nakapag-enroll para sa overseas voting para sa Mayo 2025 midterm elections, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na umaasa silang maaabot ang 50% voter turnout o tinatayang 600,000 mula sa kabuuang 1.241 milyong rehistradong botante sa labas ng bansa.

Sa kasalukuyan, ang ilan sa mga overseas voters ay bumoboto na gamit ang automated counting machines (ACMs) sa 16 embahada at konsulado (posts) na may teknikal na kapasidad para sa ganitong sistema.

Nagsimula ang overseas voting noong Abril 13 at magtatapos sa Mayo 12, alas-7 ng gabi oras sa Pilipinas.

Aminado si Chairman Garcia na mas mababa ang turnout tuwing midterm elections kumpara sa presidential elections. Sa kabila nito, nananawagan siya sa mga overseas Filipino voters na gamitin ang kanilang karapatang bumoto.

“We hope our countrymen will vote… They still have 21 days left to vote,” pahayag ni Garcia.

Pinapaalalahanan ng Comelec ang mga overseas Filipino na makipag-ugnayan sa kani-kanilang embahada o konsulado para sa detalyeng teknikal ukol sa voting procedures, lalo na sa mga lugar na walang automated voting system. Jocelyn Tabangcura-Domenden