Manila, Philippines — Hiniling ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President Pablo Virgilio Cardinal David sa lahat ng Obispo sa bansa na patunugin ang mga kampana ng simbahan at manalangin para sa kaluluwa ni Pope Francis, na pumanaw noong Lunes, Abril 21, sa edad na 88.
Sa isang social media post, sinabi ni Cardinal David, na siya ring Obispo ng Caloocan:
“Let us please ring the bells of our churches and call our people to prayer for the eternal repose of the Holy Father Pope Francis.”
Papa ng Simbahan sa Loob ng 12 Taon
Si Pope Francis, na kamakailan lamang ay naospital dahil sa double pneumonia, ay namatay sa kanyang tirahan sa Casa Santa Marta sa Vatican noong Lunes ng umaga.
Ang kanyang pagpanaw ay opisyal na inihayag ni Cardinal Kevin Farrell, Camerlengo of the Apostolic Chamber.
Si Pope Francis ay nagsilbing Supremo ng Simbahang Katolika sa loob ng labindalawang taon, simula nang italaga siya bilang papa noong Marso 13, 2013, bilang kahalili ni Pope Emeritus Benedict XVI.
Ang kanyang pamumuno ay kinilala hindi lamang sa mga reporma sa Simbahan, kundi pati na rin sa kanyang matibay na paninindigan para sa mga mahihirap, kapayapaan, at pangangalaga sa kalikasan. Jocelyn Tabangcura-Domenden