Manila, Philippines — Naniniwala si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na epektibo ang pagtugon ng gobyerno sa mga krimeng nagaganap sa bansa, kasunod ng pagkakaaresto sa tatlong suspek sa kasong kidnapping for ransom with homicide.
Ayon kay Barbers, na siyang chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, patunay ang mga ginawang pag-aresto ng Philippine National Police (PNP) sa determinasyon ng pamahalaan na itaguyod ang hustisya at protektahan ang publiko mula sa kriminalidad.
“This development shows the growing capacity of our law enforcement agencies to resolve cases with professionalism and restraint. We should encourage this kind of performance from our police officers. The public deserves to feel safe, and that comes from knowing that justice is being served through due process,” pahayag ni Barbers.
Ang mga naaresto ay kinilalang sina Ricardo Austria David, Raymart Catequista, at David Tan Liao—na may mga alyas na Xiaoxiang Yang, Yang Jianmin, at Michael Abadyung. Si Liao, isang Chinese national, ay sumuko sa PNP Anti-Kidnapping Group (AKG), habang sina David at Catequista ay naaresto sa Palawan.
Ang tatlo ay sinampahan ng dalawang kaso ng kidnapping for ransom with homicide kaugnay ng pagdukot at pagpatay kina businesswoman Jullebee Que at ng kanyang drayber na si Paul Pabillo.
Huling nakita nang buhay sina Que at Pabillo noong Marso 29 matapos umalis sa opisina ni Que sa Valenzuela City. Kinabukasan, isang ransom na nagkakahalaga ng $20 milyon ang hinihingi ng mga suspek sa pamilya ng biktima sa pamamagitan ng WeChat. Agad na nagsumbong sa awtoridad ang pamilya, na siyang naging daan upang simulan ang imbestigasyon.
Noong Abril 9, natagpuan ang bangkay nina Que at Pabillo sa gilid ng daan sa Rodriguez, Rizal. Lumabas sa pagsusuri na pinatay ang mga biktima sa isang bahay sa Meycauayan, Bulacan, at kinumpirma ang kanilang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng DNA testing.
Ayon sa mga imbestigador, malaking bahagi ng pagkakaresolba ng kaso ang naitulong ng surveillance footages at cyber monitoring. Pinaniniwalaan din na matagal nang pinaplano ang krimen, posibleng mula pa noong Enero 2025, at may kaugnayan umano ito sa sabwatan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO). Meliza Maluntag