MANILA, Philippines – Patay matapos pagtatagain ng isang buko vendor ang ka-live in nito at dalawang batang anak sa Naga City, Cebu gamit ang itak na ginagamit nito sa pagtitinda ng buko.
Sa ulat, nadiskubre ang bangkay ng mga biktima sa bahay ng pamilya sa Barangay Lutac.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina
Junelyn Gimenez, 33-anyos, at mga anak na edad 11 at dalawa taong gulang.
Mismong ang dalawang taong gulang na anak na lalaki ng biktima ang nakakita sa katawan ng ina at dalawa niyang kapatid.
Samantala, kinilala naman ang suspek na si Carlo Camporedondo, 33-anyos na ama ng mga bata.
Lumabas sa imbestigasyon na pupuntiryahin din sana ng suspek ang lola ng mga bata ngunit nakatakas ito.
Ayon sa kapatid ni Junelyn, sinabihan na nito ang biktima na hiwalayan ang suspek dahil sa pagiging marahas nito sa mga nagdaang taon at gumagamit din ito ng illegal na droga.
Nagbabanta na rin umano ang suspek sa mga anak na papatayin sila sa tuwing nag-aaway ang mag-live in.
Aalamin ng pulisya kung sabog ang suspek nang mangyari ang krimen.
Agad naman na naaresto si Camporedondo na nahaharap sa reklamong multiple murder. RNT/JGC