MANILA, Philippines – Mahigit 176,000 katao o mahigit 57,000 pamilya ang apektado ng mga pagbaha dulot ng intertropical convergence zone (ITCZ) sa Mindanao.
Pinakanapuruhan dito ang Maguindanao del Sur, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa panayam, sinabi ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao na nasa 50,000 pamilya sa 110 barangay sa Maguindanao del Sur ang nasapul ng matinding pagbaha dulot ng malalakas na pag-ulan, dahilan para ito ang maging pinaka-apektadong probinsya sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Bumara naman ang napakaraming water hyacinth sa ilog sa ilalim ng Kabuntalan Bridge sa Maguindanao del Norte, dahilan para magdulot din ito ng mga pagbaha at makaapekto sa 60 tirahan at 120 pamilya.
Ani Datuali Untong, chairman ng Barangay Taviran sa Datu Odin Sinsuat, kinailangang ilikas ang mga pamilyang naninirahan sa gilid ng Taviran River dahil ang mga water lily na nahaluan ng mga putik ay nagpabara na sa daloy ng ilog dahilan para umapaw ito at masira ang kanilang mga tirahan.
Samantala, sinabi ni Dumlao na batay sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nasa P4 milyong halaga ng ayuda na ang naipamahagi sa mga apektadong probinsya tulad ng Zamboanga del Norte, Zamboanga Sur, Misamis Oriental, Cotabato, Sarangani at Sultan Kudarat.
“Nationwide, our stockpile is close to three million food packs, and these are ready to be deployed anytime,” anang opisyal.
Handa rin umanong magpatupad ang DSWD ng emergency cash transfer at cash-for-work programs para suportahan ang mga apektadong pamilya. RNT/JGC