Home NATIONWIDE VP Sara sa mga solon: Tigilan paggamit ng witness na ‘walang kredibilidad’

VP Sara sa mga solon: Tigilan paggamit ng witness na ‘walang kredibilidad’

MANILA, Philippines – Matapos akusahan siya ng dating opisyal ng Department of Education (DepEd) ng pagbuhos ng pera sa mga nasasakupan, nanawagan si Bise Presidente Sara Duterte nitong Huwebes sa mga mambabatas na ihinto ang pag-imbita sa mga resource person na “walang kredibilidad” sa mga pagdinig sa kongreso.

Inilabas ni Duterte ang pahayag matapos ireklamo ni dating DepEd Undersecretary Gloria Mercado na ang Bise Presidente, na dating kalihim ng Edukasyon, ay nagbigay ng mga envelope sa DepEd undersecretaries at assistant secretaries na naglalaman ng humigit-kumulang P50,000 na cash kada buwan.

Ayon kay Duterte, ginamit na ngayon si Mercado bilang bahagi ng “political machinery” laban sa kanya.

“Sa pagpapatuloy ng mga tangka na sirain ang pagkatao ko, nais ko sanang himukin ang ating mga mambabatas na itigil ang paggamit ng mga testigo na walang kredibilidad o kaya ay kwestyonable ang layunin,” aniya.

“Halimbawa nito ay si Gloria Mercado na tinanggal sa pwesto bilang undersecretary ng Department of Education at ngayon ay bahagi na ng political machinery laban sa akin. Nais ng Kongreso na paniwalaan ng mga Pilipino si Mercado at kalimutan na umamin itong masama ang kanyang loob nang mawala sa pwesto,” dagdag pa niya.

Sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability nitong Miyerkoles, sinabi ni Mercado, na dating pinuno ng Procuring Entity (HoPE) sa DepEd, na nakatanggap siya ng kabuuang siyam na sobre sa pagitan ng Pebrero 2023 hanggang Setyembre 2023.

Ang mga sobre na ito, aniya, ay nanggaling mismo sa opisina ni Duterte at buwanang iniaabot sa kanya ni Assistant Secretary Sunshine Fajarda.

“Kinumpirma ng aking opisina na ito ay sa tagubilin ng Opisina ng Kalihim. Maliwanag, lalabas na ang mga regional director at iba pang empleyado sa field ay makakatanggap din ng mga halaga bukod pa sa kanilang mga regular na suweldo,” sabi ni Mercado.

Tinawag ni Duterte noong Miyerkules si Mercado na isang “disgruntled former employee” na diumano ay binitiwan dahil sa “pagkawala ng tiwala at kumpiyansa.”

Inulit ng Bise Presidente ang kanyang mga alegasyon laban sa kanyang dating nasasakupan, sinabing si Mercado ay nanghingi ng P16 milyon mula sa isang pribadong kumpanya, at binigyan ng huli ang isang indibidwal mula sa Rehiyon 7 ng isang bagay sa pagtuturo at pinatrabaho siya sa DepEd central office bilang kanyang executive assistant.

Binanggit din ni Duterte ang minutes ng Teacher Education Council (TEC) meetings, na nagpapahiwatig na naantala umano ni Mercado ang appointment ng TEC executive director.

“Maliban sa palabas na kaso ng korapsyon, kilala din si Mercado sa kanyang ugaling paninira sa mga kasamahan sa trabaho, kabilang na sa kapwa matataas na opisyal ng DepEd. Sa akin mismo ay sinubukan ni Mercado na siraan ang tatlong opisyal ng DepEd,” dagdag pa ni Duterte. RNT

Dahil dito, sinabi ni Duterte na umaasa siyang muling isaalang-alang ng Kongreso ang pag-imbita ng mga testigo laban sa kanya na maaaring sumira sa buhay at kinabukasan ng mga “inosenteng” empleyado ng DepEd at kanilang mga pamilya.