Home METRO 6  mangingisda nasagip sa tumaob na bangka

6  mangingisda nasagip sa tumaob na bangka

152
0

BACOLOD CITY- Nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG)-Northern Negros Occidental ang anim na mangingisda na nagpapalutang-lutang sa karagatan matapos tumaob ang sinasakyan nilang bangka nitong Linggo ng umaga sa Silay City.

Ayon kay Commander Paterno Belarmino Jr., pinuno ng PCG-Northern Negros Occidental, bandang alas-4 ng madaling araw umalis ang mga mangingisda sa Catabla Baybay Barangay Zone 3, Talisay City, para mangisda sa Silay City.

Pagsapit ng alas-7:30 ng umaga ay sinalubong ng malakas na hangin at malalaking alon ang mga biktima at hindi ito kinaya ng kanilang bangkang pangisda dahilan para tumaob ito at bahagyang nasira.

Sinabi ni Belarmino na namataan sila ng dumaraang tanker ship kaya agad na ipinagbigay-alam sa PCG sub-station sa Bacolod Real Estate Development Corp. (Bredco) port bandang alas-9:04 ng umaga.

Agad namang rumesponde ang isang tugboat na pinangunahan ni Auxiliary Commander Ricky Malayo ng 618th Squadron ng PCG Auxiliary at nailigtas ang mga mangingisda .

Isinailalim naman sa medical examination ang mga nasagip na mangingisda bago dinala pabalik sa Talisay City. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here