MANILA, Philippines – Anim na tauhan mula sa iba’t ibang paliparan sa bansa ang nagpositibo sa illegal na droga sa ikinasang random drug testing, sinabi ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) nitong Lunes, Agosto 18.
Isinagawa ng CAAP ang random drug testing sa 14 CAAP-operated airports sa buong bansa mula Pebrero hanggang Agosto 2025.
Sa nasabing panahon, naitala ng CAAP ang pagpositibo ng anim na tauhan sa paggamit ng illegal na droga mula sa 1,703 sinuri.
Isa ang mula sa General Santos International Airport, tatlo sa Butuan Airport, isa sa Ozamiz Airport, at isa sa Bacolod-Silay Airport.
Ang mga nagpositibo sa illegal na droga ay agad tatanggalin sa serbisyo, anang ahensya.
Ayon sa CAAP, patuloy itong magpapatupad ng mahigpit na protocol at sisiguruhin na mapananatili ng mga empleyado ang tiwala at kaligtasan ng publiko.
“CAAP assures the flying public that every flight within Philippine airspace is supported by a capable, drug-free workforce committed to the highest standards of aviation safety,” sinabi pa. RNT/JGC